← Romans (2/16) → |
1. | Dahil dito'y wala kang madadahilan, Oh tao, sino ka man na humahatol: sapagka't sa iyong paghatol sa iba, ay ang iyong sarili ang hinahatulan mo; sapagka't ikaw na humahatol ay gumagawa ka ng gayon ding mga bagay. |
2. | At nalalaman natin na ang hatol ng Dios ay ayon sa katotohanan laban sa kanila na mga nagsisigawa ng gayong mga bagay. |
3. | At iniisip mo baga ito, Oh tao, na humahatol sa mga nagsisigawa ng gayong mga bagay, at ginagawa mo ang gayon din, na ikaw ay makatatanan sa hatol ng Dios? |
4. | O hinahamak mo ang mga kayamanan ng kaniyang kabutihan at pagtitiis at pagpapahinuhod, na hindi mo nalalaman na ang kabutihan ng Dios ay siyang umaakay sa iyo sa pagsisisi? |
5. | Datapuwa't ayon sa iyong katigasan at iyong pusong hindi nagsisisi ay nagtitipon ka sa iyong sarili ng poot sa kaarawan ng kapootan at pagpapahayag ng tapat na paghuhukom ng Dios; |
6. | Na siya ang magbibigay sa bawa't tao ayon sa kaniyang mga gawa: |
7. | Sa mga nagsisipagtiyaga sa mabubuting gawa sa paghanap ng kaluwalhatian at puri at ng di pagkasira, ay ang buhay na walang hanggan: |
8. | Datapuwa't ang sa mga palaaway, at mga hindi nagsisitalima sa katotohanan, kundi bagkus nagsisisunod sa kalikuan, ay ang kagalitan at kapootan, |
9. | Kapighatian at kahapisan, ang sa bawa't kaluluwa ng tao na gumagawa ng masama, ng Judio una-una, at gayon din ng Griego; |
10. | Datapuwa't kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawa't taong gumagawa ng mabuti, sa Judio ang una-una, at gayon din sa Griego: |
11. | Sapagka't ang Dios ay hindi nagtatangi ng mga tao. |
12. | Sapagka't ang lahat ng nangagkasala ng walang kautusan ay mangapapahamak din naman ng walang kautusan: at ang lahat na nangagkasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan; |
13. | Sapagka't hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang mga ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap; |
14. | (Sapagka't kung ang mga Gentil na walang kautusan sa katutubo, ay nagsisigawa ng mga bagay ng kautusan, ang mga ito, na walang kautusan, ay siyang kautusan sa kanilang sarili; |
15. | Na nangagtatanyag ng gawa ng kautusang nasusulat sa kanilang puso, na pinatotohanan ito pati ng kanilang budhi, at ang kanilang mga pagiisip ay nangagsusumbungan o nangagdadahilanan sa isa't isa); |
16. | Sa araw na hahatulan ng Dios ang mga lihim ng mga tao, ayon sa aking evangelio, sa pamamagitan ni Jesucristo. |
17. | Nguni't kung ikaw na may taglay na pangalang Judio, at nasasalig sa kautusan, at nagmamapuri sa Dios, |
18. | At nakaaalam ng kaniyang kalooban, at sumasangayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y tinuruan ka ng kautusan, |
19. | At nagkakatiwala ka na ikaw ay tagaakay ng mga bulag, ilaw ng mga nasa kadiliman, |
20. | Tagasaway sa mga di nakaaalam, guro ng mga bata, na sa kautusan ay mayroon kang anyo ng pagkakilala at ng katotohanan; |
21. | Ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo tinuturuan ang iyong sarili? ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnanakaw, ay nagnanakaw ka? |
22. | Ikaw na nagsasabing ang tao ay huwag mangalunya, ay nangangalunya ka? ikaw na nasusuklam sa mga diosdiosan, ay nanakawan mo ang mga templo? |
23. | Ikaw na nagmamapuri sa kautusan, sa iyong pagsuway sa kautusan ay niwawalan mo ng puri ang Dios? |
24. | Sapagka't ang pangalan ng Dios ay nalalait ng mga Gentil dahil sa iyo, gaya ng nasusulat. |
25. | Sapagka't ang pagtutuli'y tunay na pinakikinabangan, kung tinutupad mo ang kautusan; datapuwa't kung ikaw ay masuwayin sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di pagtutuli. |
26. | Kung ang di pagtutuli nga ay tumutupad ng katuwiran ng kautusan, hindi baga aariing pagtutuli ang kaniyang di pagtutuli? |
27. | At ang di pagtutuli sa katutubo, kung tumupad ng kautusan, ay hindi baga hahatol sa iyo na may titik at may pagtutuli na masuwayin sa kautusan? |
28. | Sapagka't siya'y hindi Judio kung sa labas lamang; ni magiging pagtutuli yaong hayag sa laman; |
29. | Datapuwa't siya'y Judio sa loob; at ang pagtutuli ay yaong sa puso, sa Espiritu hindi sa titik; ang kaniyang kapurihan ay hindi sa mga tao, kundi sa Dios. |
← Romans (2/16) → |