← Revelation (16/22) → |
1. | At narinig ko ang isang malakas na tinig na mula sa santuario, na nagsasabi sa pitong anghel, Humayo kayo, at ibuhos ninyo ang pitong mangkok ng kagalitan ng Dios sa lupa. |
2. | At humayo ang una, at ibinuhos ang kaniyang mangkok sa lupa; at naging sugat na masama at mabigat sa mga taong may tanda ng hayop na yaon, at nangagsisamba sa kaniyang larawan. |
3. | At ibinuhos ng ikalawa ang kaniyang mangkok sa dagat; at naging dugo na gaya ng isang patay; at bawa't kaluluwang may buhay, sa makatuwid ay ang nangasa dagat ay nangamatay. |
4. | At ibinuhos ng ikatlo ang kaniyang mangkok sa mga ilog at sa mga bukal ng tubig; at nangaging dugo. |
5. | At narinig ko ang anghel ng tubig na nagsasabi, Matuwid ka, na ngayon at nang nakaraan, Oh Banal, sapagka't humatol ka na gayon; |
6. | Sapagka't ibinuhos nila ang dugo ng mga banal at ng mga propeta, at pinainom mo sila ng dugo; ito'y karapatdapat sa kanila. |
7. | At narinig ko ang dambana na nagsasabi, Oo, Oh Panginoong Dios, na Makapangyarihan sa lahat, tunay at matuwid ang iyong mga hatol. |
8. | At ibinuhos ng ikaapat ang kaniyang mangkok sa araw; at ibinigay nito sa kaniya ng masunog ng apoy ang mga tao. |
9. | At nangasunog ang mga tao sa matinding init: at sila'y namusong sa pangalan ng Dios na may kapangyarihan sa mga salot na ito; at hindi sila nangagsisi upang siya'y luwalhatiin. |
10. | At ibinuhos ng ikalima ang kaniyang mangkok sa luklukan ng hayop na yaon; at nagdilim ang kaniyang kaharian; at nginatngat nila ang kanilang mga dila dahil sa hirap, |
11. | At sila'y namusong sa Dios ng langit dahil sa kanilang mga hirap at sa kanilang mga sugat; at hindi sila nangagsisi sa kanilang mga gawa. |
12. | At ibinuhos ng ikaanim ang kaniyang mangkok sa malaking ilog na Eufrates; at natuyo ang tubig nito, upang mahanda ang dadaanan ng mga haring mula sa sikatan ng araw. |
13. | At nakita kong lumabas sa bibig ng dragon, at sa bibig ng hayop, at sa bibig ng bulaang propeta, ang tatlong espiritung karumaldumal, na gaya ng mga palaka: |
14. | Sapagka't sila'y mga espiritu ng mga demonio, na nagsisigawa ng mga tanda; na pinaparoonan nila ang mga hari sa buong sanglibutan, upang tipunin sa pagbabaka sa dakilang araw ng Dios, na Makapangyarihan sa lahat. |
15. | (Narito, ako'y pumaparitong gaya ng magnanakaw. Mapalad siyang nagpupuyat, at nagiingat ng kaniyang mga damit, na baka siya'y lumakad na hubad, at makita nila ang kaniyang kahihiyan.) |
16. | At tinipon sila sa dako na sa Hebreo ay tinatawag na Armagedon. |
17. | At ibinuhos ng ikapito ang kaniyang mangkok sa hangin; at lumabas sa santuario ang isang malakas na tinig, mula sa luklukan na nagsasabi, Nagawa na: |
18. | At nagkaroon ng mga kidlat, at mga tinig, at mga kulog; at nagkaroon ng malakas na lindol, na di nangyari kailan man mula nang magkatao sa lupa, isang lindol na lubhang malakas, lubhang kakilakilabot. |
19. | At ang dakilang bayan ay nabahagi sa tatlo, at ang mga bayan ng mga bansa ay nangaguho: at ang dakilang Babilonia ay napagalaala sa paningin ng Dios, upang siya'y bigyan ng inuman ng alak ng kabagsikan ng kaniyang kagalitan. |
20. | At tumakas ang bawa't pulo, at ang mga bundok ay hindi nangasumpungan. |
21. | At malaking granizo na kasinglaki ng talento ay lumagpak sa mga tao buhat sa langit, at namusong ang mga tao sa Dios dahil sa salot na granizo; sapagka't ang salot na ito ay lubhang malaki. |
← Revelation (16/22) → |