← Psalms (9/150) → |
1. | Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng aking buong puso; aking ipakikilala ang lahat na iyong kagilagilalas na mga gawa. |
2. | Ako'y magpapakasaya at magpapakagalak sa iyo: ako'y aawit ng pagpuri sa iyong pangalan, Oh ikaw na kataastaasan. |
3. | Pagka ang aking mga kaaway ay magsisibalik, sila'y matitisod at malilipol sa iyong harapan. |
4. | Sapagka't iyong inalalayan ang aking matuwid at ang aking usap; ikaw ay nauupo sa luklukan na humahatol na may katuwiran. |
5. | Iyong sinaway ang mga bansa, iyong nilipol ang masama, iyong pinawi ang kanilang pangalan magpakailan man. |
6. | Ang kaaway ay dumating sa wakas, sila'y lipol magpakailan man; at ang mga siyudad na iyong dinaig, ang tanging alaala sa kanila ay napawi. |
7. | Nguni't ang Panginoon ay nauupong hari magpakailan man: inihanda niya ang kaniyang luklukan para sa kahatulan. |
8. | At hahatulan niya sa katuwiran ang sanglibutan, siya'y mangangasiwa ng karampatang kahatulan sa mga tao. |
9. | Ang Panginoon naman ay magiging matayog na moog sa napipighati, matayog na moog sa mga panahon ng kabagabagan; |
10. | At silang nangakakaalam ng iyong pangalan ay maglalagak ng kanilang tiwala sa iyo; sapagka't ikaw, Panginoon, ay hindi mo pinabayaan sila na nagsisihanap sa iyo. |
11. | Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, na nagsisitahan sa Sion: ipahayag ninyo sa gitna ng bayan ang kaniyang mga gawa. |
12. | Sapagka't siyang nagsisiyasat ng dugo ay umaalaala sa kanila: hindi niya kinalilimutan ang daing ng dukha. |
13. | Maawa ka sa akin, Oh Panginoon; masdan mo ang kadalamhatian na aking tinitiis sa kanila na mangagtatanim sa akin, ikaw na nagtataas sa akin mula sa mga pintuan ng kamatayan; |
14. | Upang aking maipakilala ang iyong buong kapurihan: sa mga pintuang-bayan ng anak na babae ng Sion, ako'y magagalak sa iyong pagliligtas. |
15. | Ang mga bansa ay nangahulog sa balon na kanilang ginawa: sa silo na kanilang ikinubli ay kanilang sariling paa ang nahuli. |
16. | Ang Panginoon ay napakilala, siya'y naglapat ng kahatulan: ang masama ay nasilo sa mga gawa ng kaniyang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah) |
17. | Ang masama ay mauuwi sa Sheol, pati ng lahat ng mga bansa na nagsisilimot sa Dios. |
18. | Sapagka't ang mapagkailangan ay hindi laging malilimutan, ni ang pagasa ng dukha ay mapapawi magpakailan man. |
19. | Bumangon ka, Oh Panginoon; huwag manaig ang tao: mahatulan ang mga bansa sa iyong paningin. |
20. | Ilagay mo sila sa katakutan Oh, Panginoon: ipakilala mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang. (Selah) |
← Psalms (9/150) → |