← Psalms (88/150) → |
1. | Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo: |
2. | Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing: |
3. | Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol, |
4. | Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako'y parang taong walang lakas: |
5. | Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila'y mangahiwalay sa iyong kamay. |
6. | Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman. |
7. | Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah) |
8. | Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako'y nakulong at hindi ako makalabas, |
9. | Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako'y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo. |
10. | Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah) |
11. | Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan? |
12. | Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot? |
13. | Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo. |
14. | Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin? |
15. | Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako. |
16. | Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay. |
17. | Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama. |
18. | Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim. |
← Psalms (88/150) → |