← Psalms (86/150) → |
1. | Ikiling mo ang iyong pakinig, Oh Panginoon, at sagutin mo ako; sapagka't ako'y dukha at mapagkailangan. |
2. | Ingatan mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y banal: Oh ikaw na Dios ko, iligtas mo ang iyong lingkod na tumitiwala sa iyo. |
3. | Maawa ka sa akin, Oh Panginoon, sapagka't sa iyo'y dumadaing ako buong araw. |
4. | Bigyan mong galak ang kaluluwa ng iyong lingkod; sapagka't sa iyo, Oh Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa. |
5. | Sapagka't ikaw, Panginoon, ay mabuti, at mapagpatawad, at sagana sa kagandahang-loob sa lahat na tumatawag sa iyo. |
6. | Dinggin mo, Oh Panginoon, ang aking dalangin; at pakinggan mo ang tinig ng aking mga pananaing. |
7. | Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay tatawag ako sa iyo; sapagka't iyong sasagutin ako. |
8. | Walang gaya mo sa gitna ng mga dios, Oh Panginoon; wala mang mga gawang gaya ng iyong mga gawa. |
9. | Lahat ng mga bansa na iyong nilalang ay magsisiparito, at magsisisamba sa harap mo, Oh Panginoon; at kanilang luluwalhatiin ang iyong pangalan. |
10. | Sapagka't ikaw ay dakila, at gumagawa ng kagilagilalas na mga bagay: ikaw na magisa ang Dios. |
11. | Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon; lalakad ako sa iyong katotohanan: ilakip mo ang aking puso sa pagkatakot sa iyong pangalan. |
12. | Pupurihin kita, Oh Panginoon kong Dios ng aking buong puso; at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailan man. |
13. | Sapagka't dakila ang iyong kagandahang-loob sa akin; at iyong iniligtas ang aking kaluluwa sa pinakamalalim na Sheol. |
14. | Oh Dios, ang palalo ay bumangon laban sa akin, at ang kapisanan ng mga marahas na tao ay umusig ng aking kaluluwa, at hindi inilagay ka sa harap nila. |
15. | Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay Dios na puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit, at sagana sa kagandahang-loob at katotohanan. |
16. | Oh bumalik ka sa akin, at maawa ka sa akin; ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod. At iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae. |
17. | Pagpakitaan mo ako ng tanda sa ikabubuti: upang mangakita nilang nangagtatanim sa akin, at mangapahiya, sapagka't ikaw, Panginoon, ay tumulong sa akin, at umaliw sa akin. |
← Psalms (86/150) → |