← Psalms (83/150) → |
1. | Oh Dios, huwag kang tumahimik: huwag kang mapayapa, at tumiwasay, Oh Dios. |
2. | Sapagka't narito, ang mga kaaway mo'y nanggugulo: at silang nangagtatanim sa iyo ay nangagtaas ng ulo. |
3. | Sila'y nagsisitanggap ng payong may katusuhan laban sa iyong bayan, at nangagsanggunian laban sa iyong nangakakubli. |
4. | Kanilang sinabi, Kayo'y parito, at atin silang ihiwalay sa pagkabansa; upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalaala pa. |
5. | Sapagka't sila'y nangagsangguniang magkakasama na may isang pagkakaayon; laban sa iyo ay nangagtitipanan: |
6. | Ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita; ang Moab at ang mga Agareno; |
7. | Ang Gebal, at ang Ammon, at ang Amalec; ang Filisteo na kasama ng mga taga Tiro: |
8. | Pati ng Asiria ay nalalakip sa kanila; kanilang tinulungan ang mga anak ni Lot. |
9. | Gumawa ka sa kanila ng gaya sa Madianita; gaya kay Sisara, gaya kay Jabin, sa ilog ng Cison: |
10. | Na nangamatay sa Endor; sila'y naging parang dumi sa lupa. |
11. | Gawin mo ang kanilang mga maginoo na gaya ni Oreb at ni Zeeb; Oo, lahat nilang mga pangulo ay gaya ni Zeba at ni Zalmuna; |
12. | Na siyang nagsipagsabi, kunin natin para sa atin na pinakaari ang mga tahanan ng Dios. |
13. | Oh Dios ko, gawin mo silang parang ipoipong alabok; Parang dayami sa harap ng hangin. |
14. | Parang apoy na sumusunog ng gubat, at parang liyab na nanunupok ng mga bundok; |
15. | Kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo, at pangilabutin mo sila ng iyong unos. |
16. | Lipusin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan; upang hanapin nila ang iyong pangalan, Oh Panginoon. |
17. | Mangapahiya sila at manganglupaypay magpakailan man; Oo, mangahiya sila at mangalipol: |
18. | Upang kanilang maalaman na ikaw lamang, na ang pangalan ay JEHOVA, ay Kataastaasan sa buong lupa. |
← Psalms (83/150) → |