← Psalms (81/150) → |
1. | Magsiawit kayo ng malakas sa Dios na ating kalakasan: mangagkaingay kayo na may kagalakan sa Dios ni Jacob, |
2. | Magsiawit kayo at dalhin ninyo rito ang pandereta, ang masayang alpa sangpu ng salterio. |
3. | Magsihihip kayo ng pakakak sa bagong buwan, sa kabilugan ng buwan, sa ating dakilang kapistahan. |
4. | Sapagka't pinakapalatuntunan sa Israel, ayos ng Dios ni Jacob. |
5. | Kaniyang inilagay na pinakapatotoo sa Jose, nang siya'y lumabas na maglakbay sa lupain ng Egipto: na aking kinaringgan ng wika na di ko nauunawa. |
6. | Aking inihiwalay ang kaniyang balikat sa pasan: ang mga kamay niya'y napabitiw sa luwelang. |
7. | Ikaw ay tumawag sa kabagabagan, at iniligtas kita; sinagot kita sa lihim na dako ng kulog; sinubok kita sa tubig ng Meriba. (Selah) |
8. | Dinggin mo, Oh bayan ko, at ako'y sasaksi sa iyo: Oh Israel, kung ikaw ay makikinig sa akin! |
9. | Hindi magkakaroon ng ibang dios sa iyo; at hindi ka man sasamba sa anomang ibang dios. |
10. | Ako ang Panginoon mong Dios, na naglabas sa iyo mula sa lupain ng Egipto: bukhin mong maluwang ang iyong bibig, at aking pupunuin. |
11. | Nguni't hindi nakinig sa aking tinig ang bayan ko; at hindi ako sinunod ng Israel. |
12. | Sa gayo'y aking pinasunod sa pagmamatigas ng kanilang puso, upang sila'y makalakad sa kanilang sariling mga payo. |
13. | Oh kung ako'y didinggin ng aking bayan, kung ang Israel ay lalakad sa aking mga daan! |
14. | Aking pasusukuing madali ang kanilang mga kaaway, at ibabalik ko ang aking kamay laban sa kanilang mga kaaway. |
15. | Ang mga mapagtanim sa Panginoon ay magsisisuko sa kaniya: nguni't ang kanilang panahon ay mananatili kailan man, |
16. | Kaniya ring pakakanin sila ng katabaan ng trigo: at ng pulot na mula sa bato ay bubusugin kita. |
← Psalms (81/150) → |