← Psalms (80/150) → |
1. | Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka. |
2. | Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami. |
3. | Papanumbalikin mo kami, Oh Dios; at pasilangin mo ang iyong mukha, at maliligtas kami. |
4. | Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, hanggang kailan magagalit ka laban sa dalangin ng iyong bayan? |
5. | Iyong pinakain sila ng tinapay na mga luha, at binigyan mo sila ng mga luha upang inumin ng sagana. |
6. | Iyong ginawa kaming kaalitan sa aming mga kalapit bansa: at ang mga kaaway namin ay nagtatawanan. |
7. | Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas. |
8. | Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon. |
9. | Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain. |
10. | Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios. |
11. | Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog. |
12. | Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan? |
13. | Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang. |
14. | Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito, |
15. | At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili. |
16. | Nasunog ng apoy, at naputol: sila'y nalipol sa saway ng iyong mukha. |
17. | Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili. |
18. | Sa gayo'y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan. |
19. | Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami. |
← Psalms (80/150) → |