← Psalms (77/150) → |
1. | Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako. |
2. | Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko. |
3. | Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa: ako'y nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah) |
4. | Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita. |
5. | Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon. |
6. | Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat. |
7. | Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa? |
8. | Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako? |
9. | Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah) |
10. | At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan. |
11. | Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una. |
12. | Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa. |
13. | Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios? |
14. | Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao. |
15. | Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah) |
16. | Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig. |
17. | Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos. |
18. | Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga. |
19. | Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala. |
20. | Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron. |
← Psalms (77/150) → |