← Psalms (73/150) → |
1. | Tunay na ang Dios ay mabuti sa Israel. Sa mga malilinis sa puso. |
2. | Nguni't tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos nahiwalay: ang mga hakbang ko'y kamunti nang nangadulas. |
3. | Sapagka't ako'y nanaghili sa hambog, nang aking makita ang kaginhawahan ng masama. |
4. | Sapagka't walang mga tali sa kanilang kamatayan: kundi ang kanilang kalakasan ay matatag. |
5. | Sila'y wala sa kabagabagan na gaya ng ibang mga tao; na hindi man sila nangasasalot na gaya ng ibang mga tao. |
6. | Kaya't kapalalua'y gaya ng kuwintas sa kanilang leeg: tinatakpan sila ng karahasan na gaya ng bihisan. |
7. | Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan: sila'y mayroong higit kay sa mananasa ng puso. |
8. | Sila'y manganunuya, at sa kasamaan ay nanunungayaw ng pagpighati: sila'y nangagsasalitang may kataasan. |
9. | Kanilang inilagay ang kanilang bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay lumalakad sa lupa. |
10. | Kaya't ibinabalik dito ang kaniyang bayan: at tubig ng punong saro ay nilalagok nila. |
11. | At kanilang sinasabi, Paanong nalalaman ng Dios? At may kaalaman ba sa Kataastaasan? |
12. | Narito, ang mga ito ang masama; at palibhasa'y laging tiwasay nagsisilago sa mga kayamanan, |
13. | Tunay na sa walang kabuluhan ay nilinis ko ang aking puso, at hinugasan ko ang aking mga kamay sa kawalaang sala; |
14. | Sapagka't buong araw ay nasalot ako, at naparusahan tuwing umaga. |
15. | Kung aking sinabi, Ako'y magsasalita ng ganito; narito, ako'y gagawang may karayaan sa lahi ng iyong mga anak. |
16. | Nang aking isipin kung paanong aking malalaman ito, ay napakahirap sa ganang akin; |
17. | Hanggang sa ako'y pumasok sa santuario ng Dios, at aking nagunita ang kanilang huling wakas, |
18. | Tunay na iyong inilagay sila sa mga madulas na dako: iyong inilugmok sila sa kapahamakan. |
19. | Kung paanong naging kapahamakan sila sa isang sandali! Sila'y nilipol na lubos ng mga kakilabutan. |
20. | Ang panaginip sa pagkagising: sa gayon, Oh Panginoon, pag gumising ka, iyong hahamakin ang kanilang larawan. |
21. | Sapagka't ang puso ko'y namanglaw, at sa aking kalooban ay nasaktan ako: |
22. | Sa gayo'y naging walang muwang ako, at musmos; ako'y naging gaya ng hayop sa harap mo. |
23. | Gayon ma'y laging sumasaiyo ako: iyong inalalayan ang aking kanan. |
24. | Iyong papatnubayan ako ng iyong payo, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian. |
25. | Sinong kumakasi sa akin sa langit kundi ikaw? At walang ninanasa ako sa lupa liban sa iyo. |
26. | Ang aking laman at ang aking puso ay nanglulupaypay: nguni't ang Dios ay kalakasan ng aking puso, at bahagi ko magpakailan man. |
27. | Sapagka't narito, silang malayo sa iyo ay mangalilipol: iyong ibinuwal silang lahat, na nangakikiapid, na nagsisihiwalay sa iyo. |
28. | Nguni't mabuti sa akin na lumapit sa Dios; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong Dios, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa. |
← Psalms (73/150) → |