← Psalms (71/150) → |
1. | Sa iyo Oh Panginoon, nanganganlong ako: huwag akong mapahiya kailan man. |
2. | Iligtas mo ako sa iyong katuwiran, at sagipin mo ako: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at iligtas mo ako, |
3. | Ikaw ay maging kanlungan ng aking tahanan, na aking kapaparunang lagi: ikaw ay nagbigay utos na iligtas ako; sapagka't ikaw ay aking malaking bato at aking kuta. |
4. | Sagipin mo ako, Oh aking Dios, sa kamay ng masama, sa kamay ng liko at mabagsik na tao. |
5. | Sapagka't ikaw ay aking pagasa, Oh Panginoong Dios: ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan. |
6. | Sa pamamagitan mo ay naalalayan ako mula sa bahay-bata: ikaw ang kumuha sa akin sa tiyan ng aking ina: ang pagpuri ko'y magiging laging sa iyo. |
7. | Ako'y naging isang kagilagilalas sa marami; nguni't ikaw ang matibay kong kanlungan. |
8. | Ang bibig ko'y mapupuno ng pagpuri sa iyo, at ng iyong karangalan buong araw. |
9. | Huwag mo akong itakuwil sa katandaan; huwag mo akong pabayaan pagka ang aking kalakasan ay nanglulupaypay. |
10. | Sapagka't ang mga kaaway ko'y nangagsasalita tungkol sa akin: at silang nagsisibakay ng aking kaluluwa ay nangagsasanggunian, |
11. | Na nangagsasabi, pinabayaan siya ng Dios: iyong habulin at hulihin siya; sapagka't walang magligtas. |
12. | Oh Dios, huwag kang lumayo sa akin: Oh Dios ko, magmadali kang tulungan mo ako. |
13. | Mangapahiya at mangalipol sila na mga kaaway ng aking kaluluwa; mangatakpan ng pagkaduwahagi at kasiraang puri sila, na nagsisihanap ng aking kapahamakan. |
14. | Nguni't ako'y maghihintay na palagi, at pupuri pa ako sa iyo ng higit at higit. |
15. | Ang bibig ko'y magsasaysay ng iyong katuwiran, at ng iyong pagliligtas buong araw; sapagka't hindi ko nalalaman ang mga bilang. |
16. | Ako'y yayao na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Dios: aking babanggitin ang iyong katuwiran, sa makatuwid baga'y ang iyo lamang. |
17. | Oh Dios, iyong tinuruan ako mula sa aking kabataan; at hanggang ngayon ay aking inihahayag ang iyong kagilagilalas na mga gawa. |
18. | Oo, pag ako'y tumanda at may uban, Oh Dios, huwag mo akong pabayaan; hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan sa sumusunod na lahi, ang iyong kapangyarihan sa bawa't isa na darating. |
19. | Ang iyo ring katuwiran, Oh Dios, ay totoong mataas; ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay, Oh Dios, sino ang gaya mo. |
20. | Ikaw na nagpakita sa amin ng marami at lubhang kabagabagan, bubuhayin mo uli kami, at ibabangon mo uli kami mula sa mga kalaliman ng lupa. |
21. | Palaguin mo ang aking kadakilaan, at bumalik ka uli, at aliwin mo ako. |
22. | Pupurihin din kita ng salterio, ang iyong katotohanan, Oh Dios ko; sa iyo'y aawit ako ng mga kapurihan sa pamamagitan ng alpa, Oh ikaw na Banal ng Israel. |
23. | Ang mga labi ko'y mangagagalak na mainam pagka ako'y umaawit ng mga pagpuri sa iyo; at ang kaluluwa ko, na iyong tinubos. |
24. | Ang dila ko naman ay magsasalita ng iyong katuwiran buong araw: sapagka't sila'y nangapahiya, sila'y nangalito, na nagsisihanap ng aking kapahamakan. |
← Psalms (71/150) → |