← Psalms (69/150) → |
1. | Iligtas mo ako, Oh Dios; sapagka't ang tubig ay tumabon sa aking kaluluwa. |
2. | Ako'y lumulubog sa malalim na burak na walang tayuan: ako'y lumulubog sa malalim na tubig, na tinatabunan ako ng agos. |
3. | Ako'y hapo sa aking daing; ang lalamunan ko'y tuyo: ang mga mata ko'y nangangalumata habang hinihintay ko ang aking Dios. |
4. | Silang nangagtatanim sa akin ng walang anomang kadahilanan ay higit kay sa mga buhok ng aking ulo: silang ibig maghiwalay sa akin, na mga kaaway kong may kamalian, ay mga makapangyarihan: akin ngang isinauli ang hindi ko kinuha. |
5. | Oh Dios, kilala mo ang kamangmangan ko; at ang mga kasalanan ko'y hindi lihim sa iyo. |
6. | Huwag mangapahiya dahil sa akin ang nangaghihintay sa iyo, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo: huwag mangalagay sa kasiraang puri dahil sa akin ang nagsisihanap sa iyo, Oh Dios ng Israel. |
7. | Sapagka't dahil sa iyo ay nagdala ako ng kadustaan; kahihiyan ay tumakip sa aking mukha. |
8. | Ako'y naging iba sa aking mga kapatid, at taga ibang lupa sa mga anak ng aking ina. |
9. | Sapagka't napuspos ako ng sikap sa iyong bahay; at ang mga pagduwahagi nila na nagsisiduwahagi sa iyo ay nangahulog sa akin. |
10. | Pag umiiyak ako at pinarurusahan ko ng pagaayuno ang aking kaluluwa, yao'y pagkaduwahagi sa akin. |
11. | Nang magsuot ako ng kayong magaspang, ay naging kawikaan ako sa kanila. |
12. | Pinag-uusapan ako nilang nangauupo sa pintuang-bayan; at ako ang awit ng mga lango. |
13. | Nguni't tungkol sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, Oh Panginoon, sa isang kalugodlugod na panahon: Oh Dios, sa karamihan ng iyong kagandahang-loob, |
14. | Iligtas mo ako sa burak, at huwag mo akong ilubog: maligtas ako sa kanila na nangagtatanim sa akin, at sa malalim na tubig. |
15. | Huwag akong tangayin ng baha, ni lamunin man ako ng kalaliman: at huwag takpan ng hukay ang kaniyang bunganga sa akin. |
16. | Sagutin mo ako, Oh Panginoon; sapagka't ang iyong kagandahang-loob ay mabuti: ayon sa karamihan ng iyong mga malumanay na kaawaan ay bumalik ka sa akin. |
17. | At huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod; sapagka't ako'y nasa kahirapan; sagutin mo akong madali. |
18. | Lumapit ka sa aking kaluluwa, at tubusin mo: Iligtas mo ako dahil sa aking mga kaaway. |
19. | Talastas mo ang aking kadustaan, at ang aking kahihiyan, at ang aking kasiraang puri: ang aking mga kaaway, ay pawang nangasa harap mo. |
20. | Kaduwahagihan ay sumira ng aking puso; at ako'y lipos ng kabigatan ng loob: at ako'y naghintay na may maawa sa akin, nguni't wala; at mga mangaaliw, nguni't wala akong masumpungan. |
21. | Binigyan naman nila ako ng pagkaing mapait; at sa aking kauhawan ay binigyan nila ako ng suka na mainom. |
22. | Maging lalang sa harap nila ang kanilang dulang; at maging isang silo kung sila'y nasa kapayapaan. |
23. | Manglabo ang kanilang mga mata, na sila'y huwag makakita; at papanginigin mong palagi ang kanilang mga balakang. |
24. | Ibugso mo ang iyong galit sa kanila, at datnan sila ng kabangisan ng iyong galit. |
25. | Magiba ang tahanan nila; walang tumahan sa kanilang mga tolda. |
26. | Sapagka't kanilang hinabol siya na iyong sinaktan, at sinaysay nila ang damdam niyaong iyong sinugatan. |
27. | At dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan: at huwag silang masok sa iyong katuwiran. |
28. | Mapawi sila sa aklat ng buhay, at huwag masulat na kasama ng matuwid. |
29. | Nguni't ako'y dukha at mapanglaw: sa pamamagitan ng pagliligtas mo, Oh Dios, ay iahon mo nawa ako. |
30. | Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Dios, at dadakilain ko siya ng pasalamat. |
31. | At kalulugdan ng Panginoon na higit kay sa isang baka, o sa toro na may mga sungay at mga paa. |
32. | Nakita ng mga maamo, at nangatuwa: mabuhay ang puso, ninyong nagsisihanap sa Dios. |
33. | Sapagka't dinidinig ng Panginoon ang mapagkailangan, at hindi hinahamak ang kaniyang mga bilanggo. |
34. | Purihin siya ng langit at lupa, ng mga dagat, at ng bawa't bagay na gumagalaw roon. |
35. | Sapagka't ililigtas ng Dios ang Sion, at itatayo ang mga bayan ng Juda; at sila'y magsisitahan doon, at tatangkilikin nila na pinakaari. |
36. | Mamanahin naman ng binhi ng kaniyang mga lingkod; at silang nagsisiibig ng kaniyang pangalan ay magsisitahan doon. |
← Psalms (69/150) → |