← Psalms (66/150) → |
1. | Magkaingay kayong may kagalakan sa Dios, buong lupa. |
2. | Awitin ninyo ang kaluwalhatian ng kaniyang pangalan: paluwalhatiin ninyo ang pagpuri sa kaniya. |
3. | Inyong sabihin sa Dios, napaka kakilakilabot ng iyong mga gawa! Sa kadakilaan ng iyong kapangyarihan ay magsisuko ang iyong mga kaaway sa iyo. |
4. | Buong lupa ay sasamba sa iyo, at aawit sa iyo; sila'y magsisiawit sa iyong pangalan. (Selah) |
5. | Kayo ay magsiparito, at tingnan ninyo ang mga gawa ng Dios; siya'y kakilakilabot sa kaniyang gawain sa mga anak ng mga tao. |
6. | Kaniyang pinagiging tuyong lupa ang dagat: sila'y nagsidaan ng paa sa ilog: doo'y nangagalak kami sa kaniya. |
7. | Siya'y nagpupuno ng kaniyang kapangyarihan magpakailan man: papansinin ng kaniyang mga mata ang mga bansa: huwag mangagpakabunyi ang mga manghihimagsik. (Selah) |
8. | Oh purihin ninyo ang ating Dios, ninyong mga bayan, at iparinig ninyo ang tinig ng kaniyang kapurihan: |
9. | Na umaalalay sa ating kaluluwa sa buhay, at hindi tumitiis na makilos ang ating mga paa. |
10. | Sapagka't ikaw, Oh Dios, tinikman mo kami: Iyong sinubok kami na para ng pagsubok sa pilak. |
11. | Iyong isinuot kami sa silo; ikaw ay naglagay ng mainam na pasan sa aming mga balakang. |
12. | Iyong pinasakay ang mga tao sa aming mga ulo; kami ay nangagdaan sa apoy at sa tubig; nguni't dinala mo kami sa saganang dako. |
13. | Ako'y papasok sa iyong bahay na may mga handog na susunugin, aking babayaran sa iyo ang mga panata ko, |
14. | Na sinambit ng aking mga labi, at sinalita ng aking bibig, nang ako'y nasa kadalamhatian. |
15. | Ako'y maghahandog sa iyo ng mga matabang handog na susunugin, na may haing mga tupa; ako'y maghahandog ng mga toro na kasama ng mga kambing. (Selah) |
16. | Kayo'y magsiparito at dinggin ninyo, ninyong lahat na nangatatakot sa Dios, at ipahahayag ko kung ano ang kaniyang ginawa sa aking kaluluwa. |
17. | Ako'y dumaing sa kaniya ng aking bibig, at siya'y ibinunyi ng aking dila. |
18. | Kung pinakundanganan ko ang kasamaan sa aking puso, hindi ako didinggin ng Panginoon: |
19. | Nguni't katotohanang dininig ako ng Dios; kaniyang pinakinggan ang tinig ng aking dalangin. |
20. | Purihin ang Dios, na hindi iniwaksi ang aking dalangin, ni ang kaniyang kagandahang-loob sa akin. |
← Psalms (66/150) → |