← Psalms (65/150) → |
1. | Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion: at sa iyo'y maisasagawa ang panata. |
2. | Oh ikaw na dumidinig ng dalangin, sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman. |
3. | Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin: tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo. |
4. | Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo, upang siya'y makatahan sa iyong mga looban: kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong banal na templo. |
5. | Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay, Oh Dios ng aming kaligtasan; ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa, at nila na malayo sa dagat: |
6. | Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan; palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan: |
7. | Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat, ng hugong ng kanilang mga alon, at ng kaingay ng mga bayan. |
8. | Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda: ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim. |
9. | Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo, iyong pinayayamang mainam; ang ilog ng Dios ay puno ng tubig: iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa. |
10. | Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana; iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal; iyong mga pinalalambot ng ambon; iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon. |
11. | Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan; at ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan. |
12. | Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang; at ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan. |
13. | Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan; ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo; sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit. |
← Psalms (65/150) → |