← Psalms (50/150) → |
1. | Ang makapangyarihang Dios, ang Dios na Panginoon, ay nagsalita, at tinawag ang lupa mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon. |
2. | Mula sa Sion na kasakdalan ng kagandahan, sumilang ang Dios. |
3. | Ang aming Dios ay darating at hindi tatahimik; isang apoy na mamumugnaw sa harap niya, at magiging totoong malaking bagyo sa palibot niya. |
4. | Siya'y tatawag sa langit sa itaas, at sa lupa upang mahatulan niya ang kaniyang bayan: |
5. | Pisanin mo ang aking mga banal sa akin; yaong nangakikipagtipan sa akin sa pamamagitan ng hain. |
6. | At ipahahayag ng langit ang kaniyang katuwiran; sapagka't ang Dios ay siyang hukom. (Selah) |
7. | Iyong dinggin, Oh aking bayan, at ako'y magsasalita; Oh Israel, at ako'y magpapatotoo sa iyo: Ako'y Dios, iyong Dios. |
8. | Hindi kita sasawayin dahil sa iyong mga hain; at ang iyong mga handog na susunugin ay laging nangasa harap ko. |
9. | Hindi ako kukuha ng baka sa iyong bahay, ni ng kambing na lalake sa iyong mga kawan. |
10. | Sapagka't bawa't hayop sa gubat ay akin, at ang hayop sa libong burol. |
11. | Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok: at ang mga mabangis na hayop sa parang ay akin. |
12. | Kung ako'y magutom ay hindi ko sasaysayin sa iyo: sapagka't ang sanglibutan ay akin, at ang buong narito. |
13. | Kakanin ko ba ang laman ng mga toro, o iinumin ang dugo ng mga kambing? |
14. | Ihandog mo sa Dios ang haing pasasalamat: at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataastaasan: |
15. | At tumawag ka sa akin sa kaarawan ng kabagabagan; ililigtas kita, at iyong luluwalhatiin ako. |
16. | Nguni't sa masama ay sinasabi ng Dios, Anong iyong gagawin upang ipahayag ang aking mga palatuntunan, at iyong kinuha ang aking tipan sa iyong bibig? |
17. | Palibhasa't iyong kinapopootan ang pagtuturo, at iyong iniwawaksi ang aking mga salita sa likuran mo. |
18. | Pagka nakakita ka ng magnanakaw, pumipisan ka sa kaniya, at naging kabahagi ka ng mga mapangalunya. |
19. | Iyong ibinubuka ang iyong bibig sa kasamaan, at ang iyong dila ay kumakatha ng karayaan. |
20. | Ikaw ay nauupo, at nagsasalita laban sa iyong kapatid; iyong dinudusta ang anak ng iyong sariling ina. |
21. | Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y tumahimik; iyong inisip na tunay na ako'y gayong gaya mo: nguni't sasawayin kita, at aking isasaayos sa harap ng iyong mga mata. |
22. | Gunitain nga ninyo ito, ninyong nangakalilimot sa Dios, baka kayo'y aking pagluraylurayin at walang magligtas: |
23. | Ang naghahandog ng haing pasasalamat ay lumuluwalhati sa akin; at sa kaniya na nagaayos ng kaniyang pakikipagusap aking ipakikita ang pagliligtas ng Dios. |
← Psalms (50/150) → |