← Psalms (4/150) → |
1. | Sagutin mo ako, pagka tumatawag ako, Oh Dios ng aking katuwiran; inilagay mo ako sa kaluwagan, nang ako'y nasa kagipitan: maawa ka sa akin, at dinggin mo ang aking dalangin. |
2. | Oh kayong mga anak ng tao, hanggang kailan magiging kasiraang puri ang aking kaluwalhatian? Gaano katagal iibigin ninyo ang walang kabuluhan, at hahanap sa kabulaanan? (Selah) |
3. | Nguni't talastasin ninyo na ibinukod ng Panginoon sa ganang kaniyang sarili ang banal: didinggin ng Panginoon pagka ako'y tumawag sa kaniya. |
4. | Kayo'y magsipanginig, at huwag mangagkasala: mangagbulaybulay kayo ng inyong puso sa inyong higaan, at kayo'y magsitahimik. |
5. | Mangaghandog kayo ng mga hain ng katuwiran, at ilagak ninyo ang inyong tiwala sa Panginoon. |
6. | Marami ang mangagsasabi, sinong magpapakita sa amin ng mabuti? Panginoon, pasilangin mo ang liwanag ng iyong mukha sa amin. |
7. | Ikaw ay naglagay ng kasayahan sa aking puso, ng higit kay sa kanilang tinatangkilik nang ang kanilang butil, at kanilang alak ay magsidami. |
8. | Payapa akong hihiga at gayon din matutulog: sapagka't ikaw, Panginoon, pinatatahan mo akong mag-isa sa katiwasayan. |
← Psalms (4/150) → |