← Psalms (38/150) → |
1. | Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob. |
2. | Sapagka't ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay. |
3. | Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan. |
4. | Sapagka't ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin. |
5. | Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan. |
6. | Ako'y nahirapan at ako'y nahukot; ako'y tumatangis buong araw. |
7. | Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman. |
8. | Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam: ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob. |
9. | Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo. |
10. | Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin. |
11. | Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo. |
12. | Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw. |
13. | Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig. |
14. | Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan. |
15. | Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios. |
16. | Sapagka't aking sinabi: Baka ako'y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin. |
17. | Sapagka't ako'y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko. |
18. | Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan. |
19. | Nguni't ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami. |
20. | Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti. |
21. | Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin. |
22. | Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan. |
← Psalms (38/150) → |