← Psalms (36/150) → |
1. | Ang pagsalangsang ng masama ay nagsasabi sa loob ng aking puso: walang takot sa Dios sa harap ng kaniyang mga mata. |
2. | Sapagka't siya'y nanghihibo ng kaniyang sariling mga mata, na ang kaniyang kasamaan ay hindi masusumpungan at pagtataniman. |
3. | Ang mga salita ng kaniyang bibig ay kasamaan at karayaan: iniwan niya ang pagkapantas at paggawa ng mabuti. |
4. | Siya'y kumakatha ng kasamaan sa kaniyang higaan; siya'y lumagay sa isang daan na hindi mabuti; hindi niya kinayayamutan ang kasamaan. |
5. | Ang iyong kagandahang-loob, Oh Panginoon, ay nasa mga langit: ang iyong pagtatapat ay umaabot hanggang sa langit. |
6. | Ang iyong katuwiran ay gaya ng mga bundok ng Dios: ang iyong mga kahatulan ay dakilang kalaliman: Oh Panginoon, iyong iniingatan ang tao at hayop. |
7. | Napaka mahalaga ng iyong kagandahang-loob, Oh Dios! At ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa ilalim ng iyong mga pakpak. |
8. | Sila'y nangabubusog ng sagana ng katabaan ng iyong bahay; at iyong paiinumin sila sa ilog ng iyong kaluguran. |
9. | Sapagka't nasa iyo ang bukal ng buhay: sa iyong liwanag makakakita kami ng liwanag. |
10. | Oh, ilagi mo nawa ang iyong kagandahang-loob sa kanila na nangakakakilala sa iyo: at ang iyong katuwiran sa matuwid sa puso. |
11. | Huwag nawang dumating laban sa akin ang paa ng kapalaluan, at huwag nawa akong itaboy ng kamay ng masama. |
12. | Doo'y nangabuwal ang mga manggagawa ng kasamaan: sila'y nangalugmok at hindi makakatindig. |
← Psalms (36/150) → |