← Psalms (34/150) → |
1. | Aking pupurihin ang Panginoon sa buong panahon: ang pagpuri sa kaniya ay laging sasa aking bibig. |
2. | Ang aking kaluluwa ay maghahambog sa Panginoon: maririnig ng maamo at masasayahan. |
3. | Oh dakilain ninyo na kasama ko ang Panginoon, at tayo'y mangagbunyi na magkakasama ng kaniyang pangalan. |
4. | Aking hinanap ang Panginoon, at sinagot niya ako, at iniligtas niya ako sa lahat ng aking mga katakutan. |
5. | Sila'y nagsitingin sa kaniya, at nangaliwanagan: at ang kanilang mukha ay hindi malilito kailan man. |
6. | Itong abang tao'y dumaing, at dininig siya ng Panginoon. At iniligtas siya sa lahat niyang mga kabagabagan. |
7. | Ang anghel ng Panginoon ay humahantong sa buong palibot ng nangatatakot sa kaniya, at ipinagsasanggalang sila. |
8. | Oh inyong tikman at tingnan ninyo na ang Panginoon ay mabuti: mapalad ang tao na nanganganlong sa kaniya. |
9. | Oh mangatakot kayo sa Panginoon, kayong mga banal niya: sapagka't walang kakulangan sa kanila na nangatatakot sa kaniya. |
10. | Ang mga batang leon ay kinakapos at nagtitiis ng gutom. Nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay hindi kukulangin ng anomang mabuting bagay. |
11. | Magsiparito kayo, kayong mga anak, dinggin ninyo ako: aking tuturuan kayo ng pagkatakot sa Panginoon. |
12. | Sinong tao ang nagnanasa ng buhay, at umiibig sa maraming kaarawan upang makakita siya ng mabuti? |
13. | Ingatan mo ang iyong dila mula sa masama. At ang iyong mga labi sa pagsasalita ng karayaan. |
14. | Lumayo ka sa kasamaan, at gumawa ka ng mabuti; hanapin mo ang kapayapaan at habulin mo. |
15. | Ang mga mata ng Panginoon ay nakatitig sa mga matuwid, at ang kaniyang mga pakinig ay nakabukas sa kanilang daing. |
16. | Ang mukha ng Panginoon ay laban sa kanila na nagsisigawa ng kasamaan, upang ihiwalay ang alaala sa kanila sa lupa. |
17. | Ang matuwid ay nagsidaing, at dininig ng Panginoon, at iniligtas sila sa lahat nilang mga kabagabagan. |
18. | Ang Panginoon ay malapit sa kanila na may bagbag na puso, at inililigtas ang mga may pagsisising diwa. |
19. | Marami ang kadalamhatian ng matuwid; nguni't inililigtas ng Panginoon sa lahat. |
20. | Kaniyang iniingatan ang lahat niyang mga buto: wala isa man sa mga yaon na nababali. |
21. | Papatayin ng kasamaan ang masama: at silang nangagagalit sa matuwid na tao ay kikilanling may sala. |
22. | Tinutubos ng Panginoon ang kaluluwa ng kaniyang mga lingkod: at wala sa nagsisipagkanlong sa kaniya ay kikilanling may sala. |
← Psalms (34/150) → |