← Psalms (27/150) → |
1. | Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak? |
2. | Nang dumating sa akin ang mga manggagawa ng kasamaan upang kanin ang aking laman, ang aking mga kaaway at aking mga kaalit, sila'y nangatisod at nangarapa. |
3. | Bagaman ang isang hukbo ay humantong laban sa akin, hindi matatakot ang aking puso: bagaman magbangon ang pagdidigma laban sa akin, gayon ma'y titiwala rin ako. |
4. | Isang bagay ang hiningi ko sa Panginoon, na aking hahanapin; na ako'y makatahan sa bahay ng Panginoon, lahat ng mga kaarawan ng aking buhay, upang malasin ang kagandahan ng Panginoon, at magusisa sa kaniyang templo. |
5. | Sapagka't sa kaarawan ng kabagabagan ay iingatan niya ako na lihim sa kaniyang kulandong: sa kublihan ng kaniyang tabernakulo ay ikukubli niya ako; Kaniyang itataas ako sa ibabaw ng isang malaking bato. |
6. | At ngayo'y matataas ang aking ulo sa aking mga kaaway sa palibot ko; at ako'y maghahandog sa kaniyang tabernakulo ng mga hain ng kagalakan; ako'y aawit, oo, ako'y aawit ng mga pagpuri sa Panginoon. |
7. | Dinggin mo, Oh Panginoon, pagka ako'y sumisigaw ng aking tinig: maawa ka rin sa akin, at sagutin mo ako. |
8. | Nang iyong sabihin, hanapin ninyo ang aking mukha; ang aking puso ay nagsabi sa iyo, ang iyong mukha, Panginoon, ay hahanapin ko. |
9. | Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa akin; huwag mong ihiwalay ang iyong lingkod ng dahil sa galit: ikaw ay naging aking saklolo; huwag mo akong itakuwil, o pabayaan man, Oh Dios ng aking kaligtasan. |
10. | Bagaman pabayaan ako ng aking ama at ng aking ina, gayon ma'y dadamputin ako ng Panginoon. |
11. | Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Panginoon: at patnubayan mo ako sa patag na landas, dahil sa aking mga kaaway. |
12. | Huwag mo akong ibigay sa kalooban ng aking mga kaaway: sapagka't mga sinungaling na saksi ay nagsibangon laban sa akin, at ang nagsisihinga ng kabagsikan. |
13. | Ako sana'y nanglupaypay kundi ko pinaniwalaang makita ang kabutihan ng Panginoon. Sa lupain ng may buhay. |
14. | Magantay ka sa Panginoon: ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon. |
← Psalms (27/150) → |