← Psalms (2/150) → |
1. | Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay? |
2. | Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi: |
3. | Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin. |
4. | Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan. |
5. | Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob: |
6. | Gayon ma'y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion. |
7. | Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita. |
8. | Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari. |
9. | Sila'y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok. |
10. | Ngayon nga'y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa. |
11. | Kayo'y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig. |
12. | Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo'y mangapahamak sa daan, sapagka't ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya. |
← Psalms (2/150) → |