← Psalms (19/150) → |
1. | Ang kalangitan ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Dios; at ipinakikilala ng kalawakan ang gawa ng kaniyang kamay. |
2. | Sa araw-araw ay nagbabadya ng pananalita, at sa gabi-gabi ay nagpapakilala ng kaalaman. |
3. | Walang pananalita o wika man; ang kanilang tinig ay hindi marinig. |
4. | Ang kanilang pangungusap ay lumaganap sa buong lupa, at ang kanilang mga salita ay hanggang sa wakas ng sanglibutan. Sa kanila inilagay niya ang tabernakulo na ukol sa araw, |
5. | Na gaya ng kasintahang lalake na lumalabas mula sa kaniyang silid. At nagagalak na gaya ng malakas na tao na tatakbo ng kaniyang takbo. |
6. | Ang kaniyang labasan ay mula sa wakas ng mga langit, at ang kaniyang ligid ay sa mga wakas niyaon: at walang bagay na nakukubli sa pagiinit niyaon. |
7. | Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal, na nagsasauli ng kaluluwa: ang patotoo ng Panginoon ay tunay, na nagpapapantas sa hangal. |
8. | Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid, na nagpapagalak sa puso: ang utos ng Panginoon ay dalisay, na nagpapaliwanag ng mga mata. |
9. | Ang takot sa Panginoon ay malinis, na nananatili magpakailan man: ang mga kahatulan ng Panginoon ay katotohanan, at lubos na matuwid. |
10. | Mga pinipitang higit kay sa ginto, oo, higit kay sa maraming dalisay na ginto: lalong mainam kay sa pulot, at sa pulot-pukyutan. |
11. | Higit dito'y sa pamamagitan ng mga iyo'y mapagpapaunahan ang iyong lingkod: sa pagiingat ng mga yaon ay may dakilang ganting-pala. |
12. | Sinong makasisiyasat ng kaniyang mga kamalian? Paliwanagan mo ako sa mga kubling kamalian. |
13. | Italikod mo rin ang iyong lingkod sa mga kapalaluang sala: huwag mong papagtaglayin ang mga yaon ng kapangyarihan sa akin: kung magkagayo'y magiging matuwid ako, at magiging malinis ako sa malaking pagsalangsang. |
14. | Maging kalugodlugod nawa ang mga salita ng aking bibig, at ang pagbubulay ng aking puso sa iyong paningin, Oh Panginoon, na aking malaking bato, at aking manunubos. |
← Psalms (19/150) → |