← Psalms (145/150) → |
1. | Ibubunyi kita, Dios ko, Oh Hari; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man. |
2. | Araw-araw ay pupurihin kita; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man. |
3. | Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin; at ang kaniyang kadakilaan ay hindi masayod. |
4. | Ang isang lahi ay pupuri ng iyong mga gawa sa isa. At ipahahayag ang iyong mga makapangyarihang gawa. |
5. | Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan, at sa iyong mga kagilagilalas na mga gawa, magbubulay ako. |
6. | At ang mga tao ay mangagsasalita ng kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa; at aking ipahahayag ang iyong kadakilaan. |
7. | Kanilang sasambitin ang alaala sa iyong dakilang kabutihan, at aawitin nila ang iyong katuwiran. |
8. | Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan; banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob. |
9. | Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa. |
10. | Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon; at pupurihin ka ng iyong mga banal. |
11. | Sila'y mangagsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian, at mangungusap ng iyong kapangyarihan; |
12. | Upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa, at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang kaharian. |
13. | Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian, at ang kapangyarihan mo'y sa lahat ng sali't saling lahi. |
14. | Inaalalayan ng Panginoon ang lahat na nangabubuwal, at itinatayo yaong nangasusubasob. |
15. | Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo; at iyong ibinigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon. |
16. | Iyong binubuksan ang iyong kamay, at sinasapatan mo ang nasa ng bawa't bagay na may buhay. |
17. | Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan, at mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa. |
18. | Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan. |
19. | Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya; kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila. |
20. | Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya; nguni't lahat ng masama ay lilipulin niya. |
21. | Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ng Panginoon; at purihin ng lahat na laman ang kaniyang banal na pangalan magpakailan-kailan pa man. |
← Psalms (145/150) → |