← Psalms (132/150) → |
1. | Panginoon, alalahanin mo para kay David ang lahat niyang kadalamhatian; |
2. | Kung paanong sumumpa siya sa Panginoon, at nanata sa Makapangyarihan ni Jacob: |
3. | Tunay na hindi ako papasok sa tabernakulo ng aking bahay, ni sasampa man sa aking higaan, |
4. | Hindi ako magbibigay ng pagkakatulog sa aking mga mata, o magpapaidlip man sa aking mga talukap-mata; |
5. | Hanggang sa ako'y makasumpong ng dakong ukol sa Panginoon, ng tabernakulo ukol sa Makapangyarihan ni Jacob. |
6. | Narito, narinig namin sa Ephrata: aming nasumpungan sa mga parang ng gubat. |
7. | Kami ay magsisipasok sa kaniyang tabernakulo; kami ay magsisisamba sa harap ng kaniyang tungtungan. |
8. | Bumangon ka, Oh Panginoon, sa iyong pahingahang dako: ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan. |
9. | Magsipagsuot ang iyong mga saserdote ng katuwiran; at magsihiyaw ang iyong mga banal dahil sa kagalakan. |
10. | Dahil sa iyong lingkod na kay David huwag mong ipihit ang mukha ng iyong pinahiran ng langis. |
11. | Ang Panginoon ay sumumpa kay David sa katotohanan; hindi niya babaligtarin: ang bunga ng iyong katawan ay aking ilalagay sa iyong luklukan. |
12. | Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan. At ang aking patotoo na aking ituturo, magsisiupo naman ang kanilang mga anak sa iyong luklukan magpakailan man. |
13. | Sapagka't pinili ng Panginoon ang Sion; kaniyang ninasa na pinaka tahanan niya. |
14. | Ito'y aking pahingahang dako magpakailan man. Dito ako tatahan; sapagka't aking ninasa. |
15. | Aking pagpapalain siyang sagana sa pagkain; aking bubusugin ng pagkain ang kaniyang dukha. |
16. | Ang kaniya namang mga saserdote ay susuutan ko ng kaligtasan: at ang kaniyang mga banal ay magsisihiyaw ng malakas sa kagalakan. |
17. | Doo'y aking pamumukuhin ang sungay ni David: aking ipinaghanda ng ilawan ang aking pinahiran ng langis. |
18. | Ang kaniyang mga kaaway ay susuutan ko ng kahihiyan: nguni't sa kaniya'y mamumulaklak ang kaniyang putong. |
← Psalms (132/150) → |