← Psalms (119/150) → |
1. | Mapalad silang sakdal sa lakad, na nagsisilakad sa kautusan ng Panginoon. |
2. | Mapalad silang nangagiingat ng kaniyang mga patotoo, na nagsisihanap sa kaniya ng buong puso. |
3. | Oo, silang hindi nagsisigawa ng kalikuan; sila'y nagsisilakad sa kaniyang mga daan. |
4. | Iyong iniutos sa amin ang mga tuntunin mo, upang aming sunding masikap. |
5. | Oh matatag nawa ang aking mga daan, upang sundin ang mga palatuntunan mo! |
6. | Hindi nga ako mapapahiya, pagka ako'y nagkaroon ng galang sa inyong lahat na mga utos. |
7. | Ako'y magpapasalamat sa iyo sa pamamagitan ng katuwiran ng puso, pagka aking natutuhan ang mga matuwid mong kahatulan. |
8. | Aking tutuparin ang mga palatuntunan mo: Oh huwag mo akong pabayaang lubos. |
9. | Sa paano lilinisin ng isang binata ang kaniyang daan? Sa pagdinig doon ayon sa iyong salita. |
10. | Hinanap kita ng aking buong puso: Oh huwag nawa akong malihis sa iyong mga utos. |
11. | Ang salita mo'y aking iningatan sa aking puso: upang huwag akong magkasala laban sa iyo. |
12. | Mapalad ka, Oh Panginoon: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo. |
13. | Aking ipinahayag ng aking mga labi ang lahat ng mga kahatulan ng iyong bibig. |
14. | Ako'y nagalak sa daan ng iyong mga patotoo, na gaya ng lahat na kayamanan. |
15. | Ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin, at gagalang sa iyong mga daan. |
16. | Ako'y magaaliw sa iyong mga palatuntunan: hindi ko kalilimutan ang iyong salita. |
17. | Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang ako'y mabuhay; sa gayo'y aking susundin ang iyong salita. |
18. | Idilat mo ang aking mga mata, upang ako'y makakita ng kagilagilalas na mga bagay sa iyong kautusan. |
19. | Ako'y nakikipamayan sa lupa: huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin. |
20. | Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik na tinatamo sa iyong mga kahatulan sa lahat ng panahon. |
21. | Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos. |
22. | Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan; sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo. |
23. | Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin; nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan. |
24. | Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo. |
25. | Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon sa iyong salita. |
26. | Aking ipinahayag ang mga lakad ko, at ikaw ay sumagot sa akin: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo. |
27. | Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga tuntunin: sa gayo'y aking bubulayin ang iyong kagilagilalas na mga gawa. |
28. | Ang kaluluwa ko'y natutunaw sa kabigatan ng loob: iyong palakasin ako ayon sa iyong salita. |
29. | Ilayo mo sa akin ang daan ng kasinungalingan: at ipagkaloob mo sa aking may pagbibiyaya ang iyong kautusan. |
30. | Aking pinili ang daan ng pagtatapat: ang mga kahatulan mo'y inilagay ko sa harap ko. |
31. | Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo: Oh Panginoon, huwag mo akong ilagay sa kahihiyan. |
32. | Aking tatakbuhan ang daan ng iyong mga utos, pagka iyong pinalaki ang aking puso. |
33. | Ituro mo sa akin, Oh Panginoon, ang daan ng iyong mga palatuntunan; at aking iingatan hanggang sa wakas. |
34. | Bigyan mo ako ng pagkaunawa at aking iingatan ang iyong kautusan; Oo, aking susundin ng aking buong puso. |
35. | Payaunin mo ako sa landas ng iyong mga utos; sapagka't siya kong kinaaliwan. |
36. | Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa kasakiman. |
37. | Alisin mo ang aking mga mata sa pagtingin ng walang kabuluhan. At buhayin mo ako sa iyong mga daan. |
38. | Papagtibayin mo ang iyong salita sa iyong lingkod, na ukol sa takot sa iyo. |
39. | Alisin mo ang aking kadustaan na aking kinatatakutan: sapagka't ang mga kahatulan mo'y mabuti. |
40. | Narito, ako'y nanabik sa iyong mga tuntunin; buhayin mo ako sa iyong katuwiran. |
41. | Padatingin mo rin sa akin ang iyong mga kagandahang-loob, Oh Panginoon, sa makatuwid baga'y ang iyong kaligtasan, ayon sa iyong salita. |
42. | Sa gayo'y magkakaroon ako ng kasagutan sa kaniya na dumuduwahagi sa akin; sapagka't ako'y tumitiwala sa iyong salita. |
43. | At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan sa aking bibig; sapagka't ako'y umasa sa iyong mga kahatulan. |
44. | Gayon ko susundin ang iyong kautusan na palagi magpakailan-kailan pa man. |
45. | At lalakad ako sa kalayaan; sapagka't aking hinanap ang iyong mga tuntunin. |
46. | Ako nama'y magsasalita ng iyong mga patotoo sa harap ng mga hari, at hindi ako mapapahiya. |
47. | At ako'y maaaliw sa iyong mga utos, na aking iniibig. |
48. | Akin namang itataas ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na aking inibig; at ako'y magbubulay sa iyong mga palatuntunan. |
49. | Iyong alalahanin ang salita sa iyong lingkod, na doo'y iyong pinaasa ako. |
50. | Ito'y aking kaaliwan sa aking pagkapighati: sapagka't binuhay ako ng iyong salita. |
51. | Ang palalo ay dumuwahaging mainam sa akin: gayon ma'y hindi ako hihiwalay sa iyong kautusan. |
52. | Aking inalaala ang mga kahatulan mo ng una, Oh Panginoon, at ako'y nagaliw sa sarili. |
53. | Maalab na galit ang humawak sa akin, dahil sa masama na nagpabaya ng iyong kautusan. |
54. | Ang iyong mga palatuntunan ay naging aking mga awit sa bahay ng aking pangingibang bayan. |
55. | Aking inalaala sa gabi ang pangalan mo, Oh Panginoon, at sinunod ko ang iyong kautusan. |
56. | Ito ang tinamo ko, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo. |
57. | Ang Panginoon ay aking bahagi: aking sinabi na aking tutuparin ang iyong mga salita. |
58. | Aking hiniling ang iyong biyaya ng aking buong puso: magmahabagin ka sa akin ayon sa iyong salita. |
59. | Ako'y nagiisip sa aking mga lakad, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo. |
60. | Ako'y nagmadali, at hindi ako nagmakupad, na sundin ang iyong mga utos. |
61. | Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; nguni't hindi ko nilimot ang iyong kautusan. |
62. | Sa hating gabi ay babangon ako upang magpasalamat sa iyo, dahil sa iyong mga matuwid na kahatulan. |
63. | Ako'y kasama ng lahat na nangatatakot sa iyo, at ng nagsisitupad ng iyong mga tuntunin. |
64. | Ang lupa, Oh Panginoon, ay puno ng iyong kagandahang-loob: ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan. |
65. | Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita. |
66. | Turuan mo ako ng mabuting kahatulan at kaalaman; sapagka't ako'y sumampalataya sa iyong mga utos. |
67. | Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; nguni't ngayo'y tinutupad ko ang iyong salita. |
68. | Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga palatuntunan. |
69. | Ang palalo ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin: aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko. |
70. | Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; nguni't ako'y naaaliw sa iyong kautusan. |
71. | Mabuti sa akin na ako'y napighati; upang aking matutuhan ang mga palatuntunan mo. |
72. | Ang kautusan ng iyong bibig ay lalong mabuti sa akin kay sa libong ginto at pilak. |
73. | Ginawa ako at inanyuan ako ng iyong mga kamay: bigyan mo ako ng unawa, upang matutuhan ko ang iyong mga utos. |
74. | Silang nangatatakot sa iyo ay makikita ako, at matutuwa; sapagka't ako'y umasa sa iyong salita; |
75. | Talastas ko, Oh Panginoon na ang mga kahatulan mo ay matuwid, at sa pagtatapat, iyo akong dinalamhati. |
76. | Isinasamo ko sa iyo na maging kaaliwan ko ang iyong kagandahang-loob, ayon sa iyong salita sa iyong lingkod. |
77. | Dumating nawa sa akin ang iyong malumanay na kaawaan upang ako'y mabuhay: sapagka't ang kautusan mo'y aking kaaliwan. |
78. | Mahiya ang palalo; sapagka't dinaig nila ako ng walang kadahilanan: nguni't ako'y magbubulay sa iyong mga tuntunin. |
79. | Bumalik nawa sa akin yaong nangatatakot sa iyo, at silang nangakakakilala ng iyong mga patotoo. |
80. | Maging sakdal nawa ang aking puso sa iyong mga palatuntunan; upang huwag akong mapahiya. |
81. | Pinanglulupaypayan ng aking kaluluwa ang iyong pagliligtas: nguni't umaasa ako sa iyong salita. |
82. | Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong salita, samantalang aking sinasabi, Kailan mo ako aaliwin? |
83. | Sapagka't ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak sa usok; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga palatuntunan. |
84. | Gaano karami ang mga kaarawan ng iyong lingkod? Kailan ka gagawa ng kahatulan sa kanila na nagsisiusig sa akin? |
85. | Inihukay ako ng palalo ng mga lungaw na hindi mga ayon sa iyong kautusan. |
86. | Lahat mong mga utos ay tapat. Kanilang inuusig ako na may kamalian; tulungan mo ako. |
87. | Kanilang tinunaw ako halos sa ibabaw ng lupa; nguni't hindi ko pinabayaan ang mga tuntunin mo. |
88. | Buhayin mo ako ayon sa iyong kagandahang-loob; sa gayo'y aking iingatan ang patotoo ng iyong bibig. |
89. | Magpakailan man, Oh Panginoon, ang iyong salita ay natatag sa langit. |
90. | Ang iyong pagtatapat ay sa lahat ng sali't saling lahi: iyong itinatag ang lupa, at lumalagi. |
91. | Namamalagi sa araw na ito ayon sa iyong mga alituntunin; sapagka't lahat ng bagay ay mga lingkod mo. |
92. | Kundi ang kautusan mo'y naging aking kaaliwan, namatay nga sana ako sa aking kadalamhatian. |
93. | Hindi ko kalilimutan kailan man ang mga tuntunin mo; sapagka't sa pamamagitan ng mga yaon ay binuhay mo ako. |
94. | Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagka't aking hinanap ang mga tuntunin mo, |
95. | Inabatan ako ng masama upang ako'y patayin; nguni't aking gugunitain ang iyong mga patotoo. |
96. | Aking nakita ang wakas ng buong kasakdalan; nguni't ang utos mo'y totoong malawak. |
97. | Oh gaanong iniibig ko ang iyong kautusan! Siya kong gunita buong araw. |
98. | Pinarunong ako kay sa aking mga kaaway ng iyong mga utos; sapagka't mga laging sumasa akin. |
99. | Ako'y may higit na unawa kay sa lahat ng tagapagturo sa akin; sapagka't ang iyong mga patotoo ay gunita ko. |
100. | Ako'y nakakaunawa na higit kay sa may katandaan, sapagka't aking iningatan ang mga tuntunin mo. |
101. | Aking pinigil ang mga paa ko sa lahat ng masamang lakad, upang aking masunod ang salita mo. |
102. | Ako'y hindi lumihis sa iyong mga kahatulan; sapagka't iyong tinuruan ako. |
103. | Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! Oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig! |
104. | Sa iyong mga tuntunin ay nagkakamit ako ng unawa: kaya't aking ipinagtatanim ang bawa't lakad na sinungaling. |
105. | Ang salita mo'y ilawan sa aking mga paa, at liwanag sa aking landas. |
106. | Ako'y sumumpa, at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang mga matuwid mong kahatulan. |
107. | Ako'y nagdadalamhating mainam: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong salita. |
108. | Tanggapin mo, isinasamo ko sa iyo, ang mga kusang handog ng aking bibig, Oh Panginoon, at ituro mo sa akin ang mga kahatulan mo. |
109. | Ang kaluluwa ko'y laging nasa aking kamay; gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo. |
110. | Ipinaglagay ako ng silo ng masama; gayon ma'y hindi ako lumihis sa iyong mga tuntunin. |
111. | Ang mga patotoo mo'y inari kong pinakamana magpakailanman; sapagka't sila ang kagalakan ng aking puso. |
112. | Ikiniling ko ang puso ko na ganapin ang mga palatuntunan mo, magpakailan man, sa makatuwid baga'y hanggang sa wakas. |
113. | Ipinagtatanim ko sila na may salawahang pagiisip; nguni't ang iyong kautusan ay iniibig ko. |
114. | Ikaw ang kublihan kong dako at kalasag ko: ako'y umaasa sa iyong salita. |
115. | Magsihiwalay kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng kasamaan; upang aking maingatan ang mga utos ng aking Dios. |
116. | Alalayan mo ako ayon sa iyong salita, upang ako'y mabuhay; at huwag mo akong hiyain sa aking pagasa. |
117. | Alalayan mo ako, at ako'y maliligtas, at magkakaroon ako ng laging pitagan sa iyong mga palatuntunan. |
118. | Inilagay mo sa wala silang lahat na naliligaw sa iyong mga palatuntunan; sapagka't ang kanilang pagdaraya ay kasinungalingan. |
119. | Inaalis mo ang lahat ng masama sa lupa na gaya ng taing bakal; kaya't iniibig ko ang mga patotoo mo. |
120. | Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa iyong mga kahatulan. |
121. | Ako'y gumawa ng kahatulan at kaganapan: huwag mo akong iwan sa mga mangaapi sa akin. |
122. | Maging tagapatnugot ka ng iyong lingkod sa ikabubuti: huwag mong ipapighati ako sa palalo. |
123. | Pinangangalumatahan ng aking mga mata ang iyong pagliligtas, at ang iyong matuwid na salita. |
124. | Gawan mo ang lingkod mo ng ayon sa iyong kagandahang-loob, at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo. |
125. | Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng unawa; upang aking maalaman ang mga patotoo mo, |
126. | Kapanahunan sa Panginoon na gumawa; sapagka't kanilang niwalang kabuluhan ang kautusan mo. |
127. | Kaya't aking iniibig ang mga utos mo ng higit sa ginto, oo, higit sa dalisay na ginto. |
128. | Kaya't aking pinahahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay; at ipinagtatanim ko ang bawa't sinungaling na lakad. |
129. | Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa. |
130. | Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang. |
131. | Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo. |
132. | Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan. |
133. | Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan. |
134. | Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo. |
135. | Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo. |
136. | Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo. |
137. | Matuwid ka, Oh Panginoon, at matuwid ang mga kahatulan mo. |
138. | Iniutos mo ang mga patotoo mo sa katuwiran at totoong may pagtatapat. |
139. | Tinunaw ako ng aking sikap, sapagka't kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo. |
140. | Ang salita mo'y totoong malinis; kaya't iniibig ito ng iyong lingkod. |
141. | Ako'y maliit at hinahamak: gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang mga tuntunin mo. |
142. | Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan. |
143. | Kabagabagan at kahirapan ay humawak sa akin: gayon ma'y ang mga utos mo'y aking kaaliwan. |
144. | Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailan man: bigyan mo ako ng unawa at mabubuhay ako. |
145. | Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan. |
146. | Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo. |
147. | Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita. |
148. | Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo. |
149. | Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan. |
150. | Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan. |
151. | Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan. |
152. | Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man. |
153. | Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan. |
154. | Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita. |
155. | Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo. |
156. | Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan. |
157. | Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo. |
158. | Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo. |
159. | Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob. |
160. | Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man. |
161. | Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita. |
162. | Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam. |
163. | Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig. |
164. | Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan. |
165. | Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod. |
166. | Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo. |
167. | Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam, |
168. | Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo. |
169. | Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita. |
170. | Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita. |
171. | Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan. |
172. | Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran. |
173. | Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin. |
174. | Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan. |
175. | Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan. |
176. | Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos. |
← Psalms (119/150) → |