← Psalms (116/150) → |
1. | Aking iniibig ang Panginoon, sapagka't kaniyang dininig ang aking tinig at aking mga hiling. |
2. | Sapagka't kaniyang ikiniling ang kaniyang pakinig sa akin, kaya't ako'y tatawag sa kaniya habang ako'y nabubuhay. |
3. | Ang tali ng kamatayan ay pumulupot sa akin, at ang mga sakit ng Sheol ay nagsihawak sa akin: aking nasumpungan ang kabagabagan at kapanglawan. |
4. | Nang magkagayo'y tumawag ako sa pangalan ng Panginoon; Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, iligtas mo ang aking kaluluwa. |
5. | Mapagbiyaya ang Panginoon, at matuwid; Oo, ang Dios namin ay maawain. |
6. | Pinalalagi ng Panginoon ang mga tapat na loob: ako'y nababa, at kaniyang iniligtas ako. |
7. | Bumalik ka sa iyong kapahingahan, Oh kaluluwa ko; sapagka't ginawan ka ng mabuti ng Panginoon. |
8. | Sapagka't iyong iniligtas ang kaluluwa ko sa kamatayan, at ang mga mata ko sa mga luha, at ang mga paa ko sa pagkabuwal. |
9. | Ako'y lalakad sa harap ng Panginoon, sa lupain ng mga buhay. |
10. | Ako'y sumasampalataya, sapagka't ako'y magsasalita: ako'y lubhang nagdalamhati: |
11. | Aking sinabi sa aking pagmamadali, lahat ng tao ay bulaan. |
12. | Ano ang aking ibabayad sa Panginoon dahil sa lahat niyang kabutihan sa akin? |
13. | Aking kukunin ang saro ng kaligtasan, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon. |
14. | Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan. |
15. | Mahalaga sa paningin ng Panginoon ang kamatayan ng kaniyang mga banal. |
16. | Oh Panginoon, tunay na ako'y iyong lingkod; ako'y iyong lingkod, na anak ng iyong lingkod na babae; iyong kinalag ang aking mga tali. |
17. | Aking ihahandog sa iyo ang hain na pasalamat, at tatawag ako sa pangalan ng Panginoon. |
18. | Aking babayaran ang mga panata ko sa Panginoon, Oo, sa harapan ng buo niyang bayan; |
19. | Sa mga looban ng bahay ng Panginoon, sa gitna mo, Oh Jerusalem. Purihin ninyo ang Panginoon. |
← Psalms (116/150) → |