← Psalms (115/150) → |
1. | Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay magbigay kang karangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan. |
2. | Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios? |
3. | Nguni't ang aming Dios ay nasa mga langit: kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin. |
4. | Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao. |
5. | Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita; |
6. | Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy; |
7. | Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala. |
8. | Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila. |
9. | Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag. |
10. | Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag. |
11. | Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon; siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag. |
12. | Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo: kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Israel, kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron. |
13. | Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon, ang mababa at gayon ang mataas. |
14. | Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit, kayo at ang inyong mga anak. |
15. | Pinagpala kayo ng Panginoon, na gumawa ng langit at lupa. |
16. | Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon; nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao. |
17. | Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan; |
18. | Nguni't aming pupurihin ang Panginoon mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan. Purihin ninyo ang Panginoon. |
← Psalms (115/150) → |