← Psalms (107/150) → |
1. | Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
2. | Sabihing gayon ng tinubos ng Panginoon, na kaniyang tinubos sa kamay ng kaaway; |
3. | At mga pinisan mula sa mga lupain, mula sa silanganan, at mula sa kalunuran, mula sa hilagaan at mula sa timugan. |
4. | Sila'y nagsilaboy sa ilang, sa ulilang landas; sila'y hindi nakasumpong ng bayang tahanan. |
5. | Gutom at uhaw, ang kanilang kaluluwa'y nanglupaypay sa kanila. |
6. | Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. |
7. | Pinatnubayan naman niya sila sa matuwid na daan, upang sila'y magsiyaon sa bayang tahanan. |
8. | Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! |
9. | Sapagka't kaniyang binigyang kasiyahan ang nananabik na kaluluwa, at ang gutom na kaluluwa ay binusog niya ng kabutihan. |
10. | Ang gayong tumatahan sa kadiliman, at sa lilim ng kamatayan, na natatali sa dalamhati at pangaw; |
11. | Sapagka't sila'y nanghimagsik laban sa mga salita ng Dios, at hinamak ang payo ng Kataastaasan: |
12. | Kaya't kaniyang ibinaba ang kanilang puso na may hirap; sila'y nangabuwal, at walang sumaklolo. |
13. | Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. |
14. | Inilabas niya sila sa kadiliman at sa lilim ng kamatayan, at pinatid ang kanilang mga tali. |
15. | Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang mga kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! |
16. | Sapagka't kaniyang sinira ang mga pintuang-bayan na tanso, at pinutol ang mga halang na bakal. |
17. | Mga mangmang dahil sa kanilang mga pagsalangsang, at dahil sa kanilang mga kasamaan ay nadadalamhati. |
18. | Kinayayamutan ng kanilang kaluluwa ang sarisaring pagkain; at sila'y nagsisilapit sa mga pintuan ng kamatayan, |
19. | Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at iniligtas niya sila sa kanilang kahirapan. |
20. | Sinugo niya ang kaniyang salita, at pinagaling sila, at iniligtas sila sa kanilang mga ikapapahamak. |
21. | Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! |
22. | At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan. |
23. | Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig; |
24. | Ang mga ito'y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman. |
25. | Sapagka't siya'y naguutos, at nagpapaunos, na nagbabangon ng mga alon niyaon. |
26. | Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman: ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan. |
27. | Sila'y hahampashampas na paroo't parito, at gigiraygiray na parang lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala. |
28. | Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at inilabas niya sila sa kanilang kahirapan. |
29. | Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anopa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik. |
30. | Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay. Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin. |
31. | Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao! |
32. | Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda. |
33. | Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal: |
34. | Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon. |
35. | Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain. |
36. | At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan; |
37. | At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang. |
38. | Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami; at hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang. |
39. | Muli, sila'y nakulangan at nahapay sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan. |
40. | Kaniyang ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan. |
41. | Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian, at ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan. |
42. | Makikita ng matuwid, at matutuwa; at titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig. |
43. | Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon. |
← Psalms (107/150) → |