← Psalms (106/150) → |
1. | Purihin ninyo ang Panginoon. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man. |
2. | Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan? |
3. | Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon. |
4. | Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas: |
5. | Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana. |
6. | Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama. |
7. | Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula. |
8. | Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan. |
9. | Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang. |
10. | At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway. |
11. | At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa. |
12. | Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan. |
13. | Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo: |
14. | Kundi nagnais ng di kawasa sa ilang, at tinukso ang Dios sa ilang. |
15. | At binigyan niya sila ng kanilang hiling; nguni't pinangayayat ang kanilang kaluluwa. |
16. | Kanilang pinanaghilian naman si Moises sa kampamento, at si Aaron na banal ng Panginoon. |
17. | Ang lupa ay bumuka, at nilamon si Dathan, at tinakpan ang pulutong ni Abiram. |
18. | At apoy ay nagningas sa kanilang pulutong; sinunog ng liyab ang mga masama, |
19. | Sila'y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo. |
20. | Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo. |
21. | Nilimot nila ang Dios na kanilang tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Egipto; |
22. | Kagilagilalas na mga gawa sa lupain ng Cham, at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Mapula. |
23. | Kaya't sinabi niya, na kaniyang lilipulin sila, kung si Moises na kaniyang hirang ay hindi humarap sa kaniya sa bitak, upang pawiin ang kaniyang poot, upang huwag niyang lipulin sila. |
24. | Oo, kanilang hinamak ang maligayang lupain, hindi nila sinampalatayanan ang kaniyang salita; |
25. | Kundi nangagsiungol sa kanilang mga tolda, at hindi nangakinig sa tinig ng Panginoon. |
26. | Kaya't kaniyang isinumpa sa kanila, na kaniyang ibubulid sila sa ilang: |
27. | At kaniyang ibubulid ang kanilang binhi sa mga bansa, at pangalatin sila sa mga lupain. |
28. | Sila'y nangakilakip naman sa diosdiosang Baal-peor, at nagsikain ng mga hain sa mga patay. |
29. | Ganito minungkahi nila siya sa galit ng kanilang mga gawa; at ang salot ay lumitaw sa kanila. |
30. | Nang magkagayo'y tumayo si Phinees, at gumawa ng kahatulan: at sa gayo'y tumigil ang salot. |
31. | At nabilang sa kaniya na katuwiran, sa lahat ng sali't saling lahi magpakailan man. |
32. | Kanilang ginalit din siya sa tubig ng Meriba, na anopa't naging masama kay Moises dahil sa kanila: |
33. | Sapagka't sila'y mapanghimagsik laban sa kaniyang diwa, at siya'y nagsalita ng walang pakundangan ng kaniyang mga labi. |
34. | Hindi nila nilipol ang mga bayan, gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanila; |
35. | Kundi nangakihalo sa mga bansa, at nangatuto ng kanilang mga gawa: |
36. | At sila'y nangaglingkod sa kanilang mga diosdiosan; na naging silo sa kanila: |
37. | Oo, kanilang inihain ang kanilang mga anak na lalake at babae sa mga demonio, |
38. | At nagbubo ng walang salang dugo, sa makatuwid baga'y ng dugo ng kanilang mga anak na lalake at babae, na kanilang inihain sa diosdiosan ng Canaan; at ang lupain ay nadumhan ng dugo. |
39. | Ganito sila nagpakahawa sa kanilang mga gawa, at nagsiyaong nagpakarumi sa kanilang mga gawa. |
40. | Kaya't nagalab ang pagiinit ng Panginoon laban sa kaniyang bayan, at kinayamutan niya ang kaniyang pamana. |
41. | At ibinigay niya sila sa kamay ng mga bansa; at silang nangagtatanim sa kanila ay nangagpuno sa kanila. |
42. | Pinighati naman sila ng kanilang mga kaaway, at sila'y nagsisuko sa kanilang kamay. |
43. | Madalas na iligtas niya sila; nguni't sila'y mapanghimagsik sa kanilang payo, at nangababa sila sa kanilang kasamaan. |
44. | Gayon ma'y nilingap niya ang kanilang kahirapan, nang kaniyang marinig ang kanilang daing: |
45. | At kaniyang inalaala sa kanila ang kaniyang tipan, at nagsisi ayon sa karamihan ng kaniyang mga kagandahang-loob. |
46. | Ginawa naman niyang sila'y kaawaan niyaong lahat na nangagdalang bihag sa kanila. |
47. | Iligtas mo kami, Oh Panginoon naming Dios, at pisanin mo kami na mula sa mga bansa, upang mangagpasalamat sa iyong banal na pangalan, at mangagtagumpay sa iyong kapurihan. |
48. | Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula hanggang sa walang hanggan. At sabihin ng buong bayan, Siya nawa. Purihin ninyo ang Panginoon. |
← Psalms (106/150) → |