← Psalms (105/150) → |
1. | Oh magpasalamat kayo sa Panginoon, kayo'y magsitawag sa kaniyang pangalan; ipabatid ninyo ang kaniyang mga gawain sa mga bayan. |
2. | Magsiawit kayo sa kaniya, magsiawit kayo sa kaniya ng mga pagpuri; salitain ninyo ang lahat niyang kagilagilalas na mga gawa. |
3. | Lumuwalhati kayo sa kaniyang banal na pangalan: mangagalak ang puso nila na nagsisihanap sa Panginoon. |
4. | Hanapin ninyo ang Panginoon at ang kaniyang kalakasan; hanapin ninyo ang kaniyang mukha magpakailan man. |
5. | Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig; |
6. | Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang. |
7. | Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa. |
8. | Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi; |
9. | Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac; |
10. | At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan: |
11. | Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana; |
12. | Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon; |
13. | At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan. |
14. | Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila; |
15. | Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko. |
16. | At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay. |
17. | Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin: |
18. | Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal: |
19. | Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon. |
20. | Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya. |
21. | Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari: |
22. | Upang talian ang kaniyang mga pangulo sa kaniyang kaligayahan, at turuan ang kaniyang mga kasangguni ng karunungan. |
23. | Si Israel naman ay nasok sa Egipto; at si Jacob ay nakipamayan sa lupain ng Cham. |
24. | At kaniyang pinalagong mainam ang kaniyang bayan, at pinalakas sila kay sa kanilang mga kaaway. |
25. | Kaniyang pinapanumbalik ang kanilang puso upang mangagtanim sa kaniyang bayan, upang magsigawang may katusuhan sa kaniyang mga lingkod. |
26. | Kaniyang sinugo si Moises na kaniyang lingkod, at si Aaron na kaniyang hirang. |
27. | Kanilang inilagay sa gitna nila ang kaniyang mga tanda, at mga kababalaghan sa lupain ng Cham. |
28. | Siya'y nagsugo ng mga kadiliman, at nagpadilim; at sila'y hindi nagsipanghimagsik laban sa kaniyang mga salita. |
29. | Kaniyang pinapaging dugo ang kanilang tubig, at pinatay ang kanilang mga isda. |
30. | Ang kanilang lupain ay binukalan ng mga palaka, sa mga silid ng kanilang mga hari. |
31. | Siya'y nagsalita, at dumating ang mga pulutong na mga langaw, at kuto sa lahat ng kanilang mga hangganan. |
32. | Ibinigay niya sa kanila na pinakaulan ay graniso, at liyab ng apoy sa kanilang lupain. |
33. | Sinaktan naman niya ang kanilang mga puno ng ubas, at ang kanilang mga puno ng higos; at binali ang mga punong kahoy ng kanilang mga hangganan. |
34. | Siya'y nagsalita at ang mga balang ay nagsidating, at ang mga higad, ay yao'y walang bilang, |
35. | At kinain ang lahat na gugulayin sa kanilang lupain, at kinain ang bunga ng kanilang lupa. |
36. | Sinaktan din niya ang lahat na panganay sa kanilang lupain, ang puno ng lahat nilang kalakasan. |
37. | At kaniyang inilabas sila na may pilak at ginto: at hindi nagkaroon ng mahinang tao sa kaniyang mga lipi. |
38. | Natuwa ang Egipto nang sila'y magsialis; sapagka't ang takot sa kanila ay nahulog sa kanila. |
39. | Kaniyang inilatag ang ulap na pinakakubong; at apoy upang magbigay liwanag sa gabi, |
40. | Sila'y nagsihingi, at dinalhan niya ng mga pugo, at binusog niya sila ng pagkain na mula sa langit. |
41. | Kaniyang ibinuka ang bato at binukalan ng tubig; nagsiagos sa tuyong mga dako na parang ilog. |
42. | Sapagka't kaniyang naalaala ang kaniyang banal na salita, at si Abraham na kaniyang lingkod. |
43. | At kaniyang inilabas ang kaniyang bayan na may kagalakan, at ang kaniyang hirang na may awitan. |
44. | At ibinigay niya sa kanila ang mga lupain ng mga bansa; at kinuha nila ang gawa ng mga bayan na pinakaari: |
45. | Upang kanilang maingatan ang kaniyang mga palatuntunan, at sundin ang kaniyang mga kautusan. Purihin ninyo ang Panginoon. |
← Psalms (105/150) → |