← Psalms (103/150) → |
1. | Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko: at lahat na nangasa loob ko ay magsisipuri sa kaniyang banal na pangalan. |
2. | Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko, at huwag mong kalimutan ang lahat niyang mabubuting gawa. |
3. | Na siyang nagpapatawad ng iyong lahat na mga kasamaan; na siyang nagpapagaling ng iyong lahat na mga sakit; |
4. | Na siyang tumutubos ng iyong buhay sa pagkapahamak: na siyang nagpuputong sa iyo ng kagandahang-loob at malumanay na mga kaawaan: |
5. | Na siyang bumubusog sa iyong bibig ng mabuting bagay; Na anopa't ang iyong kabataan ay nababagong parang agila. |
6. | Ang Panginoon ay nagsasagawa ng mga matuwid na gawa, at ng mga kahatulan na ukol sa lahat na naaapi. |
7. | Kaniyang ipinabatid ang kaniyang mga daan kay Moises, ang kaniyang mga gawa sa mga anak ni Israel. |
8. | Ang Panginoon ay puspos ng kahabagan at mapagbiyaya, banayad sa pagkagalit at sagana sa kagandahang-loob. |
9. | Hindi siya makikipagkaalit na palagi; ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailan man. |
10. | Siya'y hindi gumawa sa atin ng ayon sa ating mga kasalanan, ni gumanti man sa atin ng ayon sa ating mga kasamaan. |
11. | Sapagka't kung paanong ang mga langit ay mataas kay sa lupa, gayon kalaki ang kaniyang kagandahang-loob sa kanila na nangatatakot sa kaniya. |
12. | Kung gaano ang layo ng silanganan sa kalunuran, gayon inilayo niya ang mga pagsalangsang natin sa atin. |
13. | Kung paanong ang ama ay naaawa sa kaniyang mga anak, gayon naaawa ang Panginoon sa kanilang nangatatakot sa kaniya. |
14. | Sapagka't nalalaman niya ang ating anyo; kaniyang inaalaala na tayo'y alabok. |
15. | Tungkol sa tao, ang kaniyang mga kaarawan ay parang damo: kung paanong namumukadkad ang bulaklak sa parang ay gayon siya. |
16. | Sapagka't dinadaanan ng hangin, at napaparam; at ang dako niyaon ay hindi na malalaman. |
17. | Nguni't ang kagandahang-loob ng Panginoon ay mula ng walang pasimula hanggang sa walang hanggan sa nangatatakot sa kaniya, at ang kaniyang katuwiran ay hanggang sa mga anak ng mga anak; |
18. | Sa gayong nagiingat ng kaniyang tipan, at sa nagsisialaala ng kaniyang mga utos upang gawin, |
19. | Itinatag ng Panginoon ang kaniyang luklukan sa mga langit; at ang kaniyang kaharian ay nagpupuno sa lahat. |
20. | Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong mga anghel niya: ninyong makapangyarihan sa kalakasan na gumaganap ng kaniyang salita, na nakikinig sa tinig ng kaniyang salita. |
21. | Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na hukbo niya; ninyong mga ministro niya, na nagsisigawa ng kaniyang kasayahan. |
22. | Purihin ninyo ang Panginoon, ninyong lahat na mga gawa niya, sa lahat na dako na kaniyang sakop; purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. |
← Psalms (103/150) → |