← Psalms (102/150) → |
1. | Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo. |
2. | Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali. |
3. | Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong. |
4. | Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay. |
5. | Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman. |
6. | Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan. |
7. | Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan. |
8. | Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin. |
9. | Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak. |
10. | Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis. |
11. | Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako'y natuyo na parang damo. |
12. | Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi. |
13. | Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating. |
14. | Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok. |
15. | Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian; |
16. | Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian; |
17. | Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin. |
18. | Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon. |
19. | Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit; |
20. | Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin; |
21. | Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem; |
22. | Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon. |
23. | Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko. |
24. | Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi. |
25. | Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay. |
26. | Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan: |
27. | Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas. |
28. | Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo. |
← Psalms (102/150) → |