← Proverbs (8/31) → |
1. | Hindi ba umiiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig? |
2. | Sa taluktok ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya'y tumatayo; |
3. | Sa tabi ng mga pintuang-bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya'y humihiyaw ng malakas: |
4. | Sa inyo, Oh mga lalake, ako'y tumatawag; at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao. |
5. | Oh kayong mga musmos, magsiunawa kayo ng katalinuhan; at, kayong mga mangmang, makaunawa kayo sa puso. |
6. | Kayo'y mangakinig, sapagka't magsasalita ako ng mga marilag na bagay; at ang buka ng aking mga labi ay magiging mga matuwid na bagay, |
7. | Sapagka't ang aking bibig ay sasambit ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aking mga labi. |
8. | Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila. |
9. | Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman. |
10. | Tanggapin mo ang aking turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kay sa dalisay na ginto. |
11. | Sapagka't ang karunungan ay maigi kay sa mga rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya. |
12. | Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, at aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita. |
13. | Ang pagkatakot sa Panginoon ay ipagtanim ang kasamaan; Kapalaluan, at kahambugan at masamang lakad, at ang masamang bibig ay aking ipinagtatanim. |
14. | Payo ay akin at magaling na kaalaman: ako'y kaunawaan; ako'y may kapangyarihan, |
15. | Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo. |
16. | Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, at ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga'y lahat ng mga hukom sa lupa. |
17. | Aking iniibig sila na nagsisiibig sa akin; at yaong nagsisihanap na masikap sa akin ay masusumpungan ako. |
18. | Mga kayamanan at karangalan ay nasa akin; Oo, lumalaging mga kayamanan at katuwiran. |
19. | Ang bunga ko ay maigi kay sa ginto, oo, kay sa dalisay na ginto; at ang pakinabang sa akin kay sa piling pilak. |
20. | Ako'y lumalakad sa daan ng katuwiran, sa gitna ng mga landas ng kahatulan: |
21. | Upang aking papagmanahin ng pag-aari yaong nagsisiibig sa akin, at upang aking mapuno ang kanilang ingatang-yaman. |
22. | Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una. |
23. | Ako'y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa. |
24. | Ako'y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig. |
25. | Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako'y nailabas: |
26. | Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan. |
27. | Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya'y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman: |
28. | Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman: |
29. | Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa: |
30. | Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya; |
31. | Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao. |
32. | Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: sapagka't mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan. |
33. | Mangakinig kayo ng turo, at kayo'y magpakapantas, at huwag ninyong tanggihan. |
34. | Mapalad ang tao na nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan. |
35. | Sapagka't sinomang nakakasumpong sa akin, ay nakakasumpong ng buhay. At magtatamo ng lingap ng Panginoon. |
36. | Nguni't siyang nagkakasala laban sa akin ay nagliligaw ng kaniyang sariling kaluluwa; silang lahat na nangagtatanim sa akin ay nagsisiibig ng kamatayan. |
← Proverbs (8/31) → |