← Proverbs (6/31) → |
1. | Anak ko, kung ikaw ay naging mananagot sa iyong kapuwa, kung iyong ikinamay ang iyong kamay sa di kilala, |
2. | Ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig. |
3. | Gawin mo ito ngayon, anak ko, at lumigtas ka, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: yumaon ka, magpakababa ka, at mangayupapa ka sa iyong kapuwa. |
4. | Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata. O magpaidlip man sa iyong mga talukap-mata. |
5. | Lumigtas ka na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon sa kamay ng mamimitag. |
6. | Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka: |
7. | Na bagaman walang pangulo, tagapamahala, o pinuno, |
8. | Naghahanda ng kaniyang pagkain sa taginit, at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pagaani. |
9. | Hanggang kailan matutulog ka, Oh tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog? |
10. | Kaunti pang pagkakatulog, kaunti pang pagkaidlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog: |
11. | Sa gayo'y ang iyong karalitaan ay darating na parang magnanakaw, at ang iyong kasalatan na parang lalaking may sandata. |
12. | Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig; |
13. | Na kumikindat ng kaniyang mga mata, na nagsasalita ng kaniyang mga paa, na nagsasalita ng kaniyang mga daliri; |
14. | Pagdaraya ay nasa kaniyang puso, siya'y laging kumakatha ng kasamaan; siya'y naghahasik ng pagtatalo. |
15. | Kaya't darating na bigla ang kaniyang kasakunaan; sa kabiglaanan ay mababasag siya, at walang kagamutan. |
16. | May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya: |
17. | Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo; |
18. | Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan; |
19. | Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid. |
20. | Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina: |
21. | Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg. |
22. | Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo. |
23. | Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay: |
24. | Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala. |
25. | Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata. |
26. | Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay. |
27. | Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot? |
28. | O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso? |
29. | Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan. |
30. | Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya'y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya'y gutom: |
31. | Nguni't kung siya'y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay. |
32. | Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa. |
33. | Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi. |
34. | Sapagka't ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti. |
35. | Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol. |
← Proverbs (6/31) → |