← Proverbs (5/31) → |
1. | Anak ko, pakinggan mo ang aking karunungan; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking unawa: |
2. | Upang makapagingat ka ng kabaitan, at upang ang iyong mga labi ay makapagingat ng kaalaman. |
3. | Sapagka't ang mga labi ng masamang babae ay tumutulo ng pulot, at ang kaniyang bibig ay madulas kay sa langis: |
4. | Nguni't ang kaniyang huling wakas ay mapait kay sa ahenho, matalas na parang tabak na may talim sa magkabila. |
5. | Ang kaniyang mga paa ay nagsisibaba sa kamatayan; ang kaniyang mga hakbang ay nagsisihawak sa Sheol; |
6. | Na anopa't hindi niya nasusumpungan ang kapanatagan ng landas ng buhay; ang kaniyang mga lakad ay hindi panatag, at hindi niya nalalaman. |
7. | Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako, at huwag kayong magsihiwalay sa mga salita ng aking bibig. |
8. | Ilayo mo ang iyong lakad sa kaniya, at huwag kang lumapit sa pintuan ng kaniyang bahay: |
9. | Baka mo ibigay ang iyong karangalan sa iba, at ang iyong mga taon sa mga mabagsik: |
10. | Baka ang mga di kilalang babae ay mapuno ng iyong kalakasan; at ang iyong mga pinagpagalan ay mapasa bahay ng kaapid; |
11. | At ikaw ay manangis sa iyong huling wakas, pagka ang iyong laman at ang iyong katawan ay natunaw, |
12. | At iyong sabihin, bakit ko kinayamutan ang turo, at hinamak ng aking puso ang saway: |
13. | Ni hindi ko man sinunod ang tinig ng aking mga tagapagturo, O ikiling ko man ang aking pakinig sa kanila na mga nagturo sa akin! |
14. | Ako'y malapit sa lahat ng kasamaan sa gitna ng kapisanan at ng kapulungan. |
15. | Uminom ka ng tubig sa iyong sariling tipunan ng tubig, at sa nagsisiagos na tubig sa iyong sariling balon. |
16. | Mananabog ba ang iyong mga bukal sa kaluwangan, at mga agos ng tubig sa mga lansangan? |
17. | Maging iyong magisa, at huwag sa di kilala na kasama mo. |
18. | Pagpalain ang iyong bukal; at magalak ka sa asawa ng iyong kabataan. |
19. | Gaya ng maibiging usa at ng masayang usang babae, bigyan kang katiwasayan ng kaniyang dibdib sa buong panahon; at laging malugod ka sa kaniyang pagibig. |
20. | Sapagka't bakit ka malulugod, anak ko, sa ibang babae, at yayakap sa sinapupunan ng di kilala? |
21. | Sapagka't ang mga lakad ng tao ay nasa harap ng mga mata ng Panginoon, at kaniyang pinapatag ang lahat niyang mga landas. |
22. | Ang sarili niyang mga kasamaan ay kukuha sa masama. At siya'y matatalian ng mga panali ng kaniyang kasalanan. |
23. | Siya'y mamamatay sa kakulangan ng turo; at sa kadahilanan ng kaniyang pagkaulol ay maliligaw siya. |
← Proverbs (5/31) → |