← Proverbs (4/31) → |
1. | Dinggin ninyo, mga anak ko, ang turo ng ama, at makinig kayo upang matuto ng kaunawaan: |
2. | Sapagka't bibigyan ko kayo ng mabuting aral; huwag ninyong bayaan ang aking kautusan. |
3. | Sapagka't ako'y anak sa aking ama, malumanay at bugtong sa paningin ng aking ina. |
4. | At tinuruan niya ako, at nagsabi sa akin: Pigilan ng iyong puso ang aking mga salita; ingatan mo ang aking mga utos, at mabuhay ka: |
5. | Magtamo ka ng karunungan, magtamo ka ng kaunawaan; huwag mong kalimutan, ni humiwalay man sa mga salita ng aking bibig: |
6. | Huwag mo siyang pabayaan at iingatan ka niya; ibigin mo siya at iingatan ka niya. |
7. | Karunungan ay pinaka pangulong bagay; kaya't kunin mo ang karunungan: Oo, sa lahat mong kukunin ay kunin mo ang unawa. |
8. | Iyong ibunyi siya, at kaniyang itataas ka: kaniyang dadalhin ka sa karangalan, pagka iyong niyakap siya. |
9. | Siya'y magbibigay sa iyong ulo ng pugong na biyaya: isang putong ng kagandahan ay kaniyang ibibigay sa iyo. |
10. | Dinggin mo, Oh anak ko, at iyong tanggapin ang aking mga sinasabi; at ang mga taon ng iyong buhay ay magiging marami. |
11. | Aking itinuro ka sa daan ng karunungan; aking pinatnubayan ka sa landas ng katuwiran. |
12. | Pagka ikaw ay yumayaon hindi magigipit ang iyong mga hakbang; at kung ikaw ay tumatakbo, hindi ka matitisod. |
13. | Hawakan mong mahigpit ang turo; huwag mong bitawan: iyong ingatan; sapagka't siya'y iyong buhay. |
14. | Huwag kang pumasok sa landas ng masama, at huwag kang lumakad ng lakad ng mga masasamang tao. |
15. | Ilagan mo, huwag mong daanan; likuan mo, at magpatuloy ka. |
16. | Sapagka't hindi sila nangatutulog, malibang sila'y nakagawa ng kasamaan; at ang kanilang tulog ay napapawi, malibang sila'y makapagpabuwal. |
17. | Sapagka't sila'y nagsisikain ng tinapay ng kasamaan, at nagsisiinom ng alak ng karahasan. |
18. | Nguni't ang landas ng matuwid ay parang maliyab na liwanag, na sumisilang ng higit at higit sa sakdal na araw. |
19. | Ang lakad ng masama ay parang kadiliman: Hindi nila nalalaman kung ano ang kanilang kinatitisuran. |
20. | Anak ko, makinig ka sa aking mga salita; ikiling mo ang iyong pakinig sa aking mga sabi. |
21. | Huwag mangahiwalay sa iyong mga mata; Ingatan mo sa kaibuturan ng iyong puso. |
22. | Sapagka't buhay sa nangakakasumpong, at kagalingan sa buo nilang katawan. |
23. | Ingatan mo ang iyong puso ng buong sikap; sapagka't dinadaluyan ng buhay, |
24. | Ihiwalay mo sa iyo ang masamang bibig, at ang mga suwail na labi ay ilayo mo sa iyo. |
25. | Tuminging matuwid ang iyong mga mata, at ang iyong mga talukap-mata ay tuminging matuwid sa harap mo. |
26. | Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa, at mangatatag ang lahat ng iyong lakad. |
27. | Huwag kang lumiko sa kanan o sa kaliwa man: ihiwalay mo ang iyong paa sa kasamaan. |
← Proverbs (4/31) → |