← Proverbs (28/31) → |
1. | Ang masama ay tumatakas ng walang taong humahabol: nguni't ang matuwid ay matapang na parang leon. |
2. | Dahil sa pagsalangsang ng lupain ay marami ang kaniyang mga pangulo: nguni't sa naguunawa at matalino ay malalaon ang kalagayan niya. |
3. | Ang mapagkailangan na pumipighati sa dukha ay parang bugso ng ulan na hindi nagiiwan ng pagkain. |
4. | Silang nangagpapabaya sa kautusan ay nagsisipuri sa masama: nguni't ang nangagiingat ng kautusan ay nangakikipagkaalit sa kanila. |
5. | Ang masasamang tao ay hindi nangakakaunawa ng kahatulan: nguni't silang nagsisihanap sa Panginoon ay nangakakaunawa sa lahat ng mga bagay. |
6. | Maigi ang dukha na lumalakad sa kaniyang pagtatapat, kay sa suwail sa kaniyang mga lakad, bagaman siya'y mayaman. |
7. | Sinomang nagiingat ng kautusan ay pantas na anak: nguni't siyang kasama ng mga matakaw ay nagbibigay kahihiyan sa kaniyang ama. |
8. | Ang nagpapalago ng kaniyang yaman sa tubo at pakinabang, ay pumipisan sa ganang may awa sa dukha. |
9. | Siyang naglalayo ng kaniyang pakinig sa pakikinig ng kautusan, maging ang kaniyang dalangin ay karumaldumal. |
10. | Sinomang nagliligaw sa matuwid sa masamang daan, siya'y mahuhulog sa kaniyang sariling lungaw: nguni't ang sakdal ay magmamana ng mabuti. |
11. | Ang mayaman ay pantas sa ganang kaniyang sarili; nguni't ang dukha na naguunawa ay sumisiyasat. |
12. | Pagka ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian: nguni't pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagtago ang mga tao. |
13. | Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalangsang ay hindi giginhawa: nguni't ang nagpapahayag at nagiiwan ng mga yaon ay magtatamo ng kaawaan. |
14. | Masaya ang tao na natatakot na lagi: nguni't siyang nagmamatigas ng kaniyang kalooban ay mahuhulog sa kahirapan. |
15. | Kung paano ang umuungal na leon at ang gutom na oso, gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan. |
16. | Ang pangulo na kulang sa paguunawa ay lubhang mamimighati rin: nguni't siyang nagtatanim sa kasakiman ay dadami ang kaniyang mga kaarawan. |
17. | Ang tao na nagpapasan ng dugo ng sinomang tao, tatakas sa lungaw; huwag siyang pigilin ng sinoman. |
18. | Ang lumalakad ng matuwid ay maliligtas: nguni't siyang masama sa kaniyang mga lakad ay mabubuwal na bigla. |
19. | Siyang bumubukid ng kaniyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay: nguni't siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang tao ay madudukhang mainam. |
20. | Ang tapat na tao ay mananagana sa pagpapala: nguni't siyang nagmamadali sa pagyaman ay walang pagsalang parurusahan. |
21. | Magkaroon ng pagtatangi sa mga pagkatao ay hindi mabuti: ni hindi man sasalangsang ang tao dahil sa isang putol na tinapay. |
22. | Siyang may masamang mata ay nagmamadali sa pagyaman, at hindi nakakaalam, na kasalatan ay darating sa kaniya. |
23. | Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na lingap kay sa doon sa kunwa'y pumupuri ng dila. |
24. | Ang nagnanakaw sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, at nagsasabi, hindi ito pagsalangsang; Yao'y kasama rin ng maninira. |
25. | Siyang may sakim na diwa ay humihila ng kaalitan: nguni't siyang naglalagak ng kaniyang tiwala sa Panginoon ay tataba. |
26. | Siyang tumitiwala sa kaniyang sariling puso ay mangmang: nguni't ang lumakad na may kapantasan, ay maliligtas. |
27. | Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi masasalat: nguni't siyang nagkukubli ng kaniyang mga mata ay magkakaroon ng maraming sumpa. |
28. | Pagka ang masama ay bumabangon, nagsisipagkubli ang mga tao; nguni't pagka sila'y nangamamatay, dumadami ang matuwid. |
← Proverbs (28/31) → |