← Proverbs (25/31) → |
1. | Ang mga ito ay mga kawikaan din ni Salomon, na isinalin ng mga tao ni Hezekias na hari sa Juda. |
2. | Kaluwalhatian nga ng Dios na maglihim ng isang bagay: nguni't ang kaluwalhatian ng mga hari ay magusisa ng isang bagay. |
3. | Gaya ng langit sa kataasan, at ng lupa sa kalaliman, gayon ang puso ng mga hari ay di masayod. |
4. | Alisin ang dumi sa pilak, at lumalabas na isang kasangkapan sa ganang mangbububo: |
5. | Alisin ang masama sa harap ng hari, at ang kaniyang luklukan ay matatatag sa katuwiran. |
6. | Huwag kang magpauna sa harapan ng hari, at huwag kang tumayo sa dako ng mga dakilang tao: |
7. | Sapagka't maigi na sabihin sa iyo, sumampa ka rito: kay sa ibaba ka sa harapan ng pangulo, na nakita ng iyong mga mata. |
8. | Huwag kang makialam ng walang gunita sa pakikipagbabag, baka hindi mo maalaman kung ano ang gagawin sa wakas niyaon, pagka ikaw ay hiniya ng iyong kapuwa. |
9. | Ipaglaban mo ang iyong usap sa iyong kapuwa, at huwag mong ihayag ang lihim ng iba: |
10. | Baka siyang nakakarinig ay umalipusta sa iyo, at ang iyong pagkadusta ay hindi maalis. |
11. | Salitang sinalita sa kaukulan ay gaya ng mga mansanang ginto sa mga bilaong pilak. |
12. | Kung paano ang hikaw na ginto, at kagayakang dalisay na ginto, gayon ang pantas na mananaway sa masunuring pakinig. |
13. | Kung paano ang lamig ng niebe sa panahon ng pagaani, gayon ang tapat na sugo sa kanila na nangagsugo sa kaniya; sapagka't kaniyang pinagiginhawa ang kaluluwa ng kaniyang mga panginoon. |
14. | Kung paano ang mga alapaap at hangin na walang ulan, gayon ang taong naghahambog ng kaniyang mga kaloob na walang katotohanan. |
15. | Sa pamamagitan ng pagpipigil ng loob ay napahihikayat ang pangulo, at ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto. |
16. | Nakasumpong ka ba ng pulot? kumain ka ng sapat sa iyo; baka ka masuya, at iyong isuka. |
17. | Magdalang ang iyong paa sa bahay ng iyong kapuwa; baka siya'y mayamot sa iyo, at ipagtanim ka. |
18. | Ang tao na sumasaksi ng kasinungalingang saksi laban sa kaniyang kapuwa ay isang pangbayo at isang tabak, at isang matulis na pana. |
19. | Pagtiwala sa di tapat na tao sa panahon ng kabagabagan ay gaya ng baling ngipin, at ng nabaliang paa. |
20. | Kung paano ang nangaagaw ng kasuutan sa panahong tagginaw, at kung paano ang suka sa sosa, gayon siyang umaawit ng mga awit sa mabigat na puso. |
21. | Kung ang iyong kaaway ay magutom, bigyan mo siya ng pagkain na makakain; at kung siya'y mauhaw, bigyan mo siya ng tubig na maiinom: |
22. | Sapagka't ikaw ay magbubunton ng baga ng apoy sa kaniyang ulo, at gagantihin ka ng Panginoon. |
23. | Ang hanging hilaga ay naglalabas ng ulan: gayon ang dilang maninirang puri ay nakagagalit. |
24. | Maigi ang tumahan sa sulok ng bubungan, kay sa kasama ng palaaway na babae sa maluwang na bahay. |
25. | Kung paano ang malamig na tubig sa uhaw na kaluluwa, gayon ang mga mabuting balita na mula sa malayong lupain. |
26. | Kung paano ang malabong balon, at ang bukal na nalabusaw, gayon ang matuwid na tao na nagbigay daan sa harap ng masama. |
27. | Hindi mabuting kumain ng maraming pulot: gayon ang paghanap ng tao ng kanilang sariling kaluwalhatian, ay hindi kaluwalhatian. |
28. | Siyang hindi pumipigil ng kaniyang sariling diwa ay parang bayang nabagsak at walang kuta. |
← Proverbs (25/31) → |