← Proverbs (2/31) → |
1. | Anak ko, kung iyong tatanggapin ang aking mga salita, at tataglayin mo ang aking mga utos; |
2. | Na anopa't iyong ikikiling ang iyong pakinig sa karunungan, at ihihilig mo ang iyong puso sa pagunawa; |
3. | Oo, kung ikaw ay dadaing ng pagbubulay, at itataas mo ang iyong tinig sa pagunawa; |
4. | Kung iyong hahanapin siya na parang pilak, at sasaliksikin mo siyang parang kayamanang natatago. |
5. | Kung magkagayo'y iyong mauunawa ang pagkatakot sa Panginoon, at masusumpungan mo ang kaalaman ng Dios. |
6. | Sapagka't ang Panginoon ay nagbibigay ng karunungan, sa kaniyang bibig nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan: |
7. | Kaniyang pinapagtataglay ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa nagsisilakad sa pagtatapat; |
8. | Upang kaniyang mabantayan ang mga landas ng kahatulan, at maingatan ang daan ng kaniyang mga banal. |
9. | Kung magkagayo'y mauunawa mo ang katuwiran at ang kahatulan, at ang karampatan, oo, bawa't mabuting landas. |
10. | Sapagka't karunungan ay papasok sa iyong puso, at kaalaman ay magiging ligaya sa iyong kaluluwa; |
11. | Kabaitan ay magbabantay sa iyo, pagkaunawa ay magiingat sa iyo: |
12. | Upang iligtas ka sa daan ng kasamaan, sa mga taong nagsisipagsalita ng mga masamang bagay; |
13. | Na nagpapabaya ng mga landas ng katuwiran, upang magsilakad sa mga daan ng kadiliman; |
14. | Na nangagagalak na magsigawa ng kasamaan, at nangaaaliw sa mga karayaan ng kasamaan, |
15. | Na mga liko sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas: |
16. | Upang iligtas ka sa masamang babae, sa makatuwid baga'y sa di kilala na nanghahalina ng kaniyang mga salita; |
17. | Na nagpapabaya sa kaibigan ng kaniyang kabataan, at lumilimot ng tipan ng kaniyang Dios: |
18. | Sapagka't ang kaniyang bahay ay kumikiling sa kamatayan, at ang kaniyang mga landas na sa patay: |
19. | Walang naparoroon sa kaniya na bumabalik uli, ni kanila mang tinatamo ang mga landas ng buhay: |
20. | Upang ikaw ay makalakad ng lakad ng mabubuting tao, at maingatan ang mga landas ng matuwid. |
21. | Sapagka't ang matuwid ay tatahan sa lupain, at ang sakdal ay mamamalagi roon. |
22. | Nguni't ang masama ay mahihiwalay sa lupain, at silang nagsisigawang may karayaan ay mangabubunot. |
← Proverbs (2/31) → |