← Proverbs (16/31) → |
1. | Ang mga paghahanda ng puso ay ukol sa tao: nguni't ang sagot ng dila ay mula sa Panginoon. |
2. | Ang lahat ng mga lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa. |
3. | Iukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, at ang iyong mga panukala ay matatatag. |
4. | Ginawa ng Panginoon ang bawa't bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas: Oo, pati ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan. |
5. | Bawa't palalo sa puso ay kasuklamsuklam sa Panginoon: bagaman maghawakan sa kamay ay walang pagsalang parurusahan. |
6. | Sa pamamagitan ng kaawaan at katotohanan ay nalilinis ang kasamaan: at sa pamamagitan ng pagkatakot sa Panginoon ay humihiwalay ang mga tao sa kasamaan. |
7. | Pagka ang mga lakad ng tao ay nakapagpapalugod sa Panginoon, kaniyang tinitiwasay sa kaniya pati ng kaniyang mga kaaway. |
8. | Maigi ang kaunti na may katuwiran kay sa malalaking pakinabang na walang kaganapan. |
9. | Ang puso ng tao ay kumakatha ng kaniyang lakad: nguni't ang Panginoon ang nagtutuwid ng kaniyang mga hakbang. |
10. | Banal na hatol ay nasa mga labi ng hari: at kaniyang bibig ay hindi sasalangsang sa kahatulan. |
11. | Ang ganap na timbangan at panimbang ay sa Panginoon: lahat ng timbang na supot ay kaniyang gawa. |
12. | Kasuklamsuklam sa mga hari na gumawa ng kasamaan: sapagka't ang luklukan ay natatatag sa pamamagitan ng katuwiran. |
13. | Mga matuwid na labi ay kaluguran ng mga hari; at kanilang iniibig ang nagsasalita ng matuwid. |
14. | Ang poot ng hari ay gaya ng mga sugo ng kamatayan: nguni't papayapain ng pantas. |
15. | Nasa liwanag ng mukha ng hari ang buhay; at ang kaniyang lingap ay parang alapaap ng huling ulan. |
16. | Pagkaigi nga na magtamo ng karunungan kay sa ginto! Oo, magtamo ng kaunawaan ay maigi kay sa pumili ng pilak. |
17. | Ang maluwang na lansangan ng matuwid ay humiwalay sa kasamaan: siyang nagiingat ng kaniyang lakad ay nagiingat ng kaniyang kaluluwa. |
18. | Ang kapalaluan ay nagpapauna sa kapahamakan, at ang mapagmataas na diwa ay sa pagkabuwal. |
19. | Maigi ang magkaroon ng mapagpakumbabang loob na kasama ng dukha, kay sa bumahagi ng samsam na kasama ng palalo. |
20. | Siyang nagiingat sa salita ay makakasumpong ng mabuti: at ang nananalig sa Panginoon ay mapalad. |
21. | Ang pantas sa puso ay tatawaging mabait: at ang katamisan sa mga labi ay nagdaragdag ng katututuhan. |
22. | Ang kaunawaan ay bukal ng buhay sa nagtatamo: nguni't ang saway ng mga mangmang ay siyang kanilang kamangmangan. |
23. | Ang puso ng pantas ay nagtuturo sa kaniyang bibig, at nagdaragdag ng katututuhan sa kaniyang mga labi. |
24. | Mga maligayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto. |
25. | May daan na tila matuwid sa tao, nguni't ang dulo niyaon ay mga daan ng kamatayan. |
26. | Ang gana ng pagkain ng manggagawang tao ay nakagagaling sa kaniya; sapagka't kinasasabikan ng kaniyang bibig. |
27. | Ang walang kabuluhang tao ay kumakatha ng kahirapan: at sa kaniyang mga labi ay may masilakbong apoy. |
28. | Ang magdarayang tao ay nagkakalat ng pagtatalo: at ang mapaghatid-dumapit ay naghihiwalay ng magkakaibigang matalik. |
29. | Ang taong marahas ay dumadaya sa kaniyang kapuwa, at pinapatnubayan niya siya sa daang hindi mabuti. |
30. | Ikinikindat ang kaniyang mga mata, upang kumatha ng mga magdarayang bagay: siyang nangangagat labi ay nagpapangyari sa kasamaan. |
31. | Ang ulong may uban ay putong ng kaluwalhatian, masusumpungan sa daan ng katuwiran. |
32. | Siyang makupad sa pagkagalit ay maigi kay sa makapangyarihan; at siyang nagpupuno sa kaniyang diwa ay maigi kay sa sumasakop ng isang bayan. |
33. | Ginagawa ang pagsasapalaran sa kandungan; nguni't ang buong pasiya niyaon ay sa Panginoon. |
← Proverbs (16/31) → |