← Numbers (30/36) → |
1. | At sinalita ni Moises sa mga pangulo ng mga lipi ng mga anak ni Israel, na sinasabi, Ito ang bagay na iniutos ng Panginoon. |
2. | Pagka ang isang lalake ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, o sumumpa ng isang sumpa, na itinali ang kaniyang kaluluwa sa isang gampanin, ay huwag niyang sisirain ang kaniyang salita, kaniyang gaganapin ayon sa lahat ng binuka ng kaniyang bibig. |
3. | Pagka ang isang babae naman ay nagpanata ng isang panata sa Panginoon, at itinali ang kaniyang sarili sa isang gampanin, sa bahay ng kaniyang ama, sa kaniyang kadalagahan; |
4. | At narinig ng kaniyang ama ang kaniyang panata, at ang kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa, at ang kaniyang ama ay hindi umimik sa kaniya: ay lahat nga niyang panata ay magkakabisa, at ang bawa't tali na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa. |
5. | Nguni't kung sawayin siya ng kaniyang ama sa araw na marinig; alin man sa kaniyang panata, o sa kaniyang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay hindi magkabisa: at patatawarin siya ng Panginoon, sapagka't sinaway siya ng kaniyang ama. |
6. | At kung siya'y may asawa at magpanata o magbitiw na walang dilidili sa kaniyang labi ng anomang gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa; |
7. | At marinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya sa araw na marinig yaon: ay magkakabisa nga ang kaniyang mga panata, at ang kaniyang mga gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa. |
8. | Nguni't kung sawayin siya ng kaniyang asawa sa araw na marinig yaon; ay mawawalan ng kabuluhan ang kaniyang panata na itinali niya sa kaniya at ang nabitawang pangako ng kaniyang mga labi na ipinanali niya sa kaniyang kaluluwa: at patatawarin siya ng Panginoon. |
9. | Nguni't ang panata ng isang babaing bao, o ng isang hiniwalayan ng asawa, ay magkakabisa sa bawa't bagay na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa. |
10. | At kung siya'y nagpanata sa bahay ng kaniyang asawa, o kaniyang tinalian ang kaniyang kaluluwa ng isang gampanin na kaakbay ng isang sumpa, |
11. | At narinig ng kaniyang asawa, at hindi umimik sa kaniya, at hindi sinaway siya; ay magkakabisa ang lahat niyang panata, at bawa't gampanin na kaniyang itinali sa kaniyang kaluluwa ay magkakabisa. |
12. | Nguni't kung niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa sa araw na marinig, ay hindi magkakabisa ang anomang bagay na binitiwan ng kaniyang mga labi tungkol sa kaniyang mga panata o tungkol sa tali ng kaniyang kaluluwa: niwalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa; at patatawarin siya ng Panginoon. |
13. | Bawa't panata o bawa't gampaning inakbayan ng sumpa, na makapagpapadalamhati ng kaluluwa, ay mabibigyang bisa ng kaniyang asawa, o mapawawalan ng kabuluhan ng kaniyang asawa. |
14. | Nguni't kung ang kaniyang asawa ay hindi umimik sa kaniya sa araw-araw; ay binigyan nga ng bisa ang lahat niyang panata, o ang lahat niyang gampaning taglay niya: kaniyang binigyan bisa, sapagka't hindi umimik nang araw na kaniyang marinig. |
15. | Nguni't kung kaniyang pawawalan ng kabuluhan pagkatapos na kaniyang marinig, ay tataglayin nga niya ang kasamaan ng kaniyang asawa. |
16. | Ito ang mga palatuntunan na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa magasawa at sa magama samantalang ang anak na dalaga ay nasa bahay ng kaniyang ama. |
← Numbers (30/36) → |