← Leviticus (6/27) → |
1. | At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, |
2. | Kung ang sinoman ay magkasala, at sumuway sa Panginoon, na magbulaan sa kaniyang kapuwa tungkol sa isang habilin, o sa isang sanla, o sa nakaw, o pumighati sa kaniyang kapuwa, |
3. | O nakasumpong ng nawala, at ipagkaila at sumumpa ng kasinungalingan; sa alin man sa lahat ng ito na ginawa ng tao ng pinagkakasalahan: |
4. | Ay mangyayari nga, na kung siya'y nagkasala at naging salarin, na isasauli niya ang ninakaw, o ang nakuha sa pagpighati, o ang habiling inihabilin sa kaniya, o ang bagay na nawala sa kaniyang nasumpungan, |
5. | O anomang bagay na kaniyang sinumpaan ng kabulaanan; na isasauli niyang buo, at daragdagan pa niya ng ikalimang bahagi niyaon: sa may-ari ibibigay niya sa araw na pagkasumpong sa kaniya na siya'y may kasalanan. |
6. | At dadalhin niya sa Panginoon ang kaniyang handog dahil sa pagkakasala, isang tupang lalake na walang kapintasan na kinuha sa kawan, ayon sa iyong pagkahalaga, at ibibigay sa saserdote na pinakahandog dahil sa pagkakasala: |
7. | At itutubos sa kaniya ng saserdote sa harap ng Panginoon; at siya'y patatawarin tungkol sa alin mang kaniyang nagawa, na kaniyang pinagkasalahan. |
8. | At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, |
9. | Iutos mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na iyong sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin: ang handog na susunugin ay malalagay sa ibabaw ng pinagsusunugan sa ibabaw ng dambana, buong gabi hanggang umaga; at ang apoy sa dambana ay papananatilihing nagniningas doon. |
10. | At isusuot ng saserdote ang kaniyang kasuutang lino, at ang kaniyang mga salawal na kayong lino at itatakip niya sa kaniyang katawan; at dadamputin niya ang mga abo ng handog na susunugin na sinunog sa apoy sa ibabaw ng dambana, at ilalagay niya sa tabi ng dambana. |
11. | At maghuhubad siya ng kaniyang mga suot, at magbibihis ng ibang mga kasuutan, at ilalabas ang mga abo sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis. |
12. | At ang apoy sa ibabaw ng dambana ay papananatilihing nagniningas doon, hindi papatayin; at ang saserdote ay magsusunog ng kahoy sa ibabaw niyaon tuwing umaga: at aayusin niya sa ibabaw niyaon ang handog na susunugin, at susunugin sa ibabaw niyaon ang taba ng mga handog tungkol sa kapayapaan. |
13. | Ang apoy ay papananatilihing nagniningas sa ibabaw ng dambana; hindi papatayin. |
14. | At ito ang kautusan tungkol sa handog na harina: ihahandog ng mga anak ni Aaron sa harap ng Panginoon, sa harap ng dambana. |
15. | At kukuha siya niyaon ng kaniyang dakot, ng mainam na harina sa handog na harina, at ng langis niyaon, at ng lahat na kamangyan, na nasa ibabaw ng handog na harina, at kaniyang susunugin sa ibabaw ng dambana, na pinakamasarap na amoy, na alaala niyaon sa Panginoon. |
16. | At ang labis sa handog ay kakanin ni Aaron at ng kaniyang mga anak: walang lebadurang kakanin sa dakong banal; sa looban ng tabernakulo ng kapisanan kakanin nila. |
17. | Hindi lulutuing may lebadura. Aking ibinigay sa kanilang pinakabahagi nila, sa mga handog sa akin na pinaraan sa apoy; kabanalbanalang bagay nga, na gaya ng handog dahil sa kasalanan, at gaya ng handog dahil sa pagkakasala. |
18. | Bawa't lalake sa mga anak ni Aaron ay kakain niyaon na pinakabahagi nila magpakailan man, sa buong panahon ng inyong lahi, sa mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; sinomang humipo ng mga iyan ay magiging banal. |
19. | At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, |
20. | Ito ang alay ni Aaron at ng kaniyang mga anak na kanilang ihahandog sa Panginoon sa araw na siya'y pahiran ng langis; ang ikasangpung bahagi ng isang epa ng mainam na harina, na pinakahandog na harina magpakailan man, ang kalahati ay sa umaga at ang kalahati ay sa hapon. |
21. | Sa kawali ihahandang may langis; pagkatigmak niyaon dadalhin mo: lutong putolputol na ihaharap mo ang handog na harina na pinaka masarap na amoy sa Panginoon. |
22. | At ang saserdoteng pinahiran ng langis na mahahalili sa kaniya, na mula sa gitna ng kaniyang mga anak ay maghahandog niyaon: ayon sa palatuntunang walang hanggan ay susunuging lahat sa Panginoon. |
23. | At bawa't handog na harina ng saserdote ay susunuging lahat: hindi kakanin. |
24. | At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi, |
25. | Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sabihin, Ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa kasalanan: sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa kasalanan, sa harap ng Panginoon; kabanalbanalang bagay nga. |
26. | Ang saserdoteng maghandog niyaon dahil sa kasalanan ay kakain niyaon: sa dakong banal kakanin, sa looban ng tabernakulo ng kapisanan. |
27. | Anomang humipo ng laman niyaon ay magiging banal: at pagka pumilansik ang dugo sa alin mang damit, ay lalabhan mo yaong napilansikan sa dakong banal. |
28. | Datapuwa't ang sisidlang lupa na pinaglutuan ay babasagin: at kung niluto sa sisidlang tanso ay lilinisin at babanlawan ng tubig. |
29. | Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon: bagay ngang kabanalbanalan. |
30. | At hindi kakanin ang anomang handog dahil sa kasalanan, kung may dugo niyao'y ipinasok sa tabernakulo ng kapisanan upang ipangtubos sa dakong banal: sa apoy nga susunugin. |
← Leviticus (6/27) → |