← Leviticus (26/27) → |
1. | Huwag kayong gagawa para sa inyo ng mga diosdiosan, ni magtatayo kayo ng larawang inanyuan o haligi, ni huwag kayong maglalagay ng batong inanyuan sa inyong lupain, upang inyong yukuran yaon: sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios. |
2. | Inyong ipangingilin ang aking mga sabbath, at inyong igagalang ang aking santuario: ako ang Panginoon. |
3. | Kung lalakad kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan at iingatan ninyo ang aking mga utos, at inyong tutuparin: |
4. | Ay maglalagpak nga ako ng ulan sa kapanahunan, at ang lupain ay pakikinabangan, at ang mga kahoy sa parang ay magbubunga. |
5. | At ang inyong paggiik ay aabot hanggang sa pagaani ng mga ubas, at ang pagaani ng ubas ay aabot sa paghahasik: at kakanin ninyo ang inyong pagkain na sagana, at tatahan kayong tiwasay sa inyong lupain. |
6. | At magbibigay ako ng kapayapaan sa lupain, at mahihiga kayo, at walang katatakutan kayo: at aking papawiin sa lupain ang mababangis na hayop, ni hindi dadaanan ang inyong lupain sa tabak. |
7. | At hahabulin ninyo ang inyong mga kaaway, at mangabubuwal sa harap ninyo sa tabak. |
8. | At lima sa inyo'y hahabol sa isang daan, at isang daan sa inyo'y hahabol sa sangpung libo: at ang inyong mga kaaway ay mangabubuwal sa tabak sa harap ninyo. |
9. | At lilingapin ko kayo, at palalaguin ko kayo, at pararamihin ko kayo; at papagtitibayin ko ang aking tipan sa inyo. |
10. | At kakanin ninyo ang malaong kinamalig, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago. |
11. | At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo: at hindi ko kayo kapopootan. |
12. | At lalakad ako sa gitna ninyo at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan. |
13. | Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang huwag kayong maging mga alipin nila; at sinira ko ang mga kahoy ng inyong pamatok, at pinalakad ko kayo ng mga ulong matuwid. |
14. | Nguni't kung hindi ninyo pakikinggan ako, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng mga utos na ito; |
15. | At kung inyong tatanggihan ang aking mga palatuntunan, at kasusuklaman nga ninyo ang aking mga hatol, na anopa't hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan; |
16. | Ay gagawin ko naman ito sa inyo; ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, at pagkatuyo, at ang lagnat na uubos sa mga mata, at magpapalupaypay sa kaluluwa: at maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagka't kakanin ng inyong mga kaaway. |
17. | At itititig ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harap ng inyong mga kaaway: kayo'y pagpupunuan ng mga napopoot sa inyo; at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo. |
18. | At kung sa mga bagay na ito man ay hindi ninyo ako pakinggan, ay parurusahan ko kayong makapito pa, dahil sa inyong mga kasalanan. |
19. | At sisirain ko ang kahambugan ng inyong kapangyarihan; at gagawin kong parang bakal ang inyong langit at parang tanso ang inyong lupa: |
20. | At gugugulin ninyo ang inyong kalakasan ng walang kabuluhan; sapagka't hindi ibibigay sa inyo ng inyong lupain ang kaniyang bunga ni ng kahoy sa parang ang kaniyang bunga. |
21. | At kung kayo'y sasalangsang sa akin, at hindi ninyo ako didinggin; ay dadalhan ko kayo ng makapito ang higit ng salot ayon sa inyong mga kasalanan. |
22. | At susuguin ko sa inyo ang mga halimaw sa parang, ng samsaman kayo ng inyong mga anak, at papatayin ang inyong mga hayop, at kayo'y pakakauntiin sa bilang; at mangungulila ang inyong mga lakad. |
23. | At kung sa mga bagay mang ito ay hindi pa kayo magbago sa akin, kundi sasalangsang kayo sa akin: |
24. | At lalakad din naman ako ng laban sa inyo, at sasaktan ko kayo, ng makapito pa dahil sa inyong mga kasalanan: |
25. | At pararatingin ko sa inyo ang tabak na gaganap ng higanti ng tipan; at kayo'y matitipon sa loob ng inyong mga bayan: at pararatingin ko ang salot sa gitna ninyo; at kayo'y mabibigay sa kamay ng kaaway. |
26. | Pagka masisira ko ang tungkod ninyong tinapay, ang sangpung babae ay magluluto ng inyong tinapay sa isa lamang hurno, at sa inyo'y isasauli sa timbang ang inyong tinapay: at kayo'y kakain at hindi kayo mangabubusog. |
27. | At kung sa lahat ng ito ay hindi ninyo ako pakikinggan, kundi kayo'y sasalangsang sa akin; |
28. | Ay sasalangsang ako sa inyo na may kapusukan; at parurusahan ko kayong makapito pa dahil sa inyong mga kasalanan. |
29. | At kakanin ninyo ang laman ng inyong mga anak na lalake, at ang mga laman ng inyong mga anak na babae ay inyong kakanin. |
30. | At sisirain ko ang inyong matataas na dako, at aking wawasakin ang inyong mga larawang araw, at itatapon ko ang inyong mga bangkay sa mga katawan ng inyong mga diosdiosan; at kapopootan kayo ng aking kaluluwa. |
31. | At gagawin kong giba ang inyong mga bayan, at gigibain ko ang inyong mga santuario, at hindi ko na sasamyuin ang amoy ng inyong mga may amoy na masarap. |
32. | At gagawin kong ilang ang lupain: at pagtatakhan ng inyong mga kaaway na tumatahan doon. |
33. | At kayo'y aking pangangalatin sa mga bansa, at pagbubunutan ko kayo ng tabak sa hulihan ninyo: at ang inyong lupain ay magiging isang ilang, at ang inyong mga bayan ay magiging sira. |
34. | Kung magkagayo'y magagalak ang lupain sa kaniyang mga sabbath, habang nahahandusay na sira, at kayo'y mapapasa lupain ng inyong mga kaaway; ang lupain nga ay magpapahinga, at magagalak sa kaniyang mga sabbath. |
35. | Habang nahahandusay na sira ay magkakaroon ng kapahingahan, sa makatuwid baga'y ang hindi ipinagpahinga sa inyong mga sabbath, nang kayo'y nagsisitahan doon. |
36. | At tungkol sa mga matitira sa inyo, ay sisidlan ko ng takot sa kanilang puso, sa mga lupain ng kaniyang mga kaaway: at hahabulin sila ng kalatis ng isang dahong nalalaglag; at sila'y tatakas na parang tumatakas sa tabak; at sila'y mabubuwal nang walang humahabol sa kanila. |
37. | At mangagkakatisuran sila na parang nasa harap ng tabak, kahit walang humahabol: at hindi kayo makatatayo sa harap ng inyong mga kaaway. |
38. | At mamamatay kayo sa gitna ng mga bansa, at sasakmalin kayo ng lupain ng inyong mga kaaway. |
39. | At ang mga matitira sa inyo ay magsisipanglupaypay sa kanilang kasamaan sa mga lupain ng inyong mga kaaway; at sa mga kasamaan naman ng kanilang mga magulang ay magsisipanglupaypay na kasama nila. |
40. | At kanilang isasaysay ang kanilang kasamaan, at ang kasamaan ng kanilang mga magulang, sa ang kanilang pagsalangsang na isinalangsang laban sa akin, sapagka't sila'y lumakad naman ng laban sa akin. |
41. | Ako naman ay lumakad ng laban sa kanila, at sila'y aking dinala sa lupain ng kanilang mga kaaway: kung magpapakababa nga ang kanilang mga pusong hindi tuli, at kanilang tatanggapin ang parusa sa kanilang kasamaan; |
42. | Ay aalalahanin ko nga ang aking tipan kay Jacob; at ang akin ding tipan kay Isaac, at gayon din ang aking tipan kay Abraham ay aking aalalahanin; at aking aalalahanin ang lupain. |
43. | Ang lupain naman ay pababayaan nila, at magagalak sa kaniyang mga sabbath, samantalang nahahandusay na sira na wala sila; at kanilang tatanggapin ang kaparusahan ng kanilang kasamaan: sapagka't kanilang tinanggihan ang aking mga hatol, at kinapootan ng kanilang kaluluwa ang aking mga palatuntunan. |
44. | At sa lahat mang ito, pagka sila'y nasa lupain ng kanilang mga kaaway ay hindi ko sila itatakuwil, ni kapopootan ko sila na sila'y aking lubos na lilipulin, at aking sisirain ang aking tipan sa kanila: sapagka't ako ang Panginoon nilang Dios: |
45. | Kundi aalalahanin ko alangalang sa kanila ang tipan ng kanilang mga magulang, na aking inilabas sa lupain ng Egipto, sa paningin ng mga bansa, upang ako'y maging kanilang Dios: ako ang Panginoon. |
46. | Ito ang mga palatuntunan at ang mga hatol at ang mga kautusang ginawa ng Panginoon sa kaniyang sarili at sa mga anak ni Israel sa bundok ng Sinai sa pamamagitan ni Moises. |
← Leviticus (26/27) → |