← Lamentations (4/5) → |
1. | Ano't ang ginto ay naging malabo! Ano't ang pinakadalisay na ginto ay nagbago! Ang mga bato ng santuario ay natapon sa dulo ng lahat na lansangan. |
2. | Ang mga mahalagang anak ng Sion, na katulad ng dalisay na ginto, ano't pinahahalagahan na waring mga sisidlang lupa, na gawa ng mga kamay ng magpapalyok! |
3. | Maging ang mga chakal ay naglalabas ng suso, nangagpapasuso sa kanilang mga anak: ang anak na babae ng aking bayan ay naging mabagsik, parang mga avestruz sa ilang. |
4. | Ang dila ng sumususong bata ay nadidikit sa ngalangala ng kaniyang bibig dahil sa uhaw: ang mga munting bata ay nagsisihingi ng tinapay, at walang taong magpuputol nito sa kanila. |
5. | Silang nagsisikaing mainam ay nangahandusay sa mga lansangan: silang nagsilaki sa matingkad na pula ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi. |
6. | Sapagka't ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay lalong malaki kay sa kasalanan ng Sodoma, na nagiba sa isang sangdali, at walang mga kamay na humawak sa kaniya. |
7. | Ang kaniyang mga mahal na tao ay lalong malinis kay sa nieve, mga lalong maputi kay sa gatas; sila'y lalong mapula sa katawan kay sa mga rubi, ang kanilang kinis ay parang zafiro. |
8. | Ang kanilang anyo ay lalong maitim kay sa uling; sila'y hindi makilala sa mga lansangan: ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto; natutuyo, nagiging parang tungkod. |
9. | Silang napatay ng tabak ay maigi kay sa kanila na napatay ng gutom; sapagka't ang mga ito ay nagsisihapay, na napalagpasan, dahil sa pangangailangan ng mga bunga sa parang. |
10. | Ang mga kamay ng mga mahabaging babae ay nangagluto ng kanilang sariling mga anak; mga naging kanilang pagkain sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan. |
11. | Ginanap ng Panginoon ang kaniyang kapusukan, kaniyang ibinugso ang kaniyang mabangis na galit; at siya'y nagpaalab ng apoy sa Sion, na pumugnaw ng mga patibayan niyaon. |
12. | Ang mga hari sa lupa ay hindi nanganiwala, o ang lahat mang nananahan sa sanglibutan, na ang kaaway at kalaban ay papasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem. |
13. | Dahil nga sa mga kasalanan ng kaniyang mga propeta, at sa mga kasamaan ng kaniyang mga saserdote, na nagbubo ng dugo ng mga ganap sa gitna niya. |
14. | Sila'y nagsisikapa sa mga lansangan na parang mga bulag, sila'y nangadudumhan ng dugo, na anopa't hindi mahipo ng mga tao ang kanilang mga suot. |
15. | Magsihiwalay kayo, sila'y nagsisihiyaw sa kanila, Marurumi! magsihiwalay kayo, magsihiwalay kayo, huwag ninyong hipuin: nang sila'y magsitakas at magsilaboy ay sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa, Hindi na sila nangingibang bayan pa rito. |
16. | Pinangalat sila ng galit ng Panginoon; sila'y hindi na niya lilingapin pa. Hindi nila iginagalang ang mga pagkatao ng mga saserdote, hindi nila pinakukundanganan ang mga matanda. |
17. | Ang aming mga mata ay nangangalumata dahil sa aming paghihintay ng walang kabuluhang tulong: sa aming paghihintay ay nangaghihintay kami sa isang bansa na hindi makapagligtas. |
18. | Kanilang inaabangan ang aming mga hakbang, upang huwag kaming makayaon sa aming mga lansangan: ang aming wakas ay malapit na, ang aming mga kaarawan ay nangaganap; sapagka't ang aming wakas ay dumating. |
19. | Ang mga manghahabol sa amin ay lalong maliliksi kay sa mga aguila sa himpapawid: kanilang hinabol kami sa mga bundok, kanilang binakayan kami sa ilang. |
20. | Ang hinga ng aming mga butas ng ilong, ang pinahiran ng Panginoon ay nahuli sa kanilang mga hukay; na siya naming pinagsasabihan, sa kaniyang mga lilim ay mabubuhay kami sa mga bansa. |
21. | Ikaw ay magalak at matuwa Oh anak na babae ng Edom, na tumatahan sa lupain ng Uz: ang saro ay darating din sa iyo; ikaw ay malalango, at magpapakahubad. |
22. | Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap, Oh anak na babae ng Sion, hindi ka na niya dadalhin pa sa pagkabihag: kaniyang dadalawin ang iyong kasamaan, Oh anak na babae ng Edom; kaniyang ililitaw ang iyong mga kasalanan. |
← Lamentations (4/5) → |