← Lamentations (3/5) → |
1. | Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot. |
2. | Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag. |
3. | Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw. |
4. | Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto. |
5. | Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam. |
6. | Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon. |
7. | Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala. |
8. | Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing. |
9. | Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas. |
10. | Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako. |
11. | Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako; |
12. | Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana. |
13. | Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan. |
14. | Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw. |
15. | Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo. |
16. | Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo. |
17. | At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan. |
18. | At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon. |
19. | Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo. |
20. | Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko. |
21. | Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako. |
22. | Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos. |
23. | Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat. |
24. | Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya. |
25. | Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya. |
26. | Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon. |
27. | Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan. |
28. | Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya. |
29. | Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa. |
30. | Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan. |
31. | Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man. |
32. | Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan. |
33. | Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao. |
34. | Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa. |
35. | Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan, |
36. | Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon. |
37. | Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon? |
38. | Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti? |
39. | Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan? |
40. | Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon. |
41. | Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit. |
42. | Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad. |
43. | Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa. |
44. | Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin. |
45. | Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan. |
46. | Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin. |
47. | Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba. |
48. | Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan. |
49. | Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan. |
50. | Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit. |
51. | Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan. |
52. | Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan. |
53. | Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato. |
54. | Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay. |
55. | Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay. |
56. | Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing. |
57. | Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot. |
58. | Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay. |
59. | Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap. |
60. | Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin. |
61. | Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin, |
62. | Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw. |
63. | Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit. |
64. | Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay. |
65. | Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila. |
66. | Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon. |
← Lamentations (3/5) → |