← John (5/21) → |
1. | Pagkatapos ng mga bagay na ito'y nagkaroon ng pista ang mga Judio; at umahon si Jesus sa Jerusalem. |
2. | Sa Jerusalem nga'y may isang tangke sa tabi ng pintuan ng mga tupa, na sa wikang Hebreo ay tinatawag na Betesda, na may limang portiko. |
3. | Na sa mga ito ay nangaghandusay ang marami sa kanilang mga maysakit, mga bulag, mga pilay, mga natutuyo. |
4. | Sapagka't lumulusong ang isang anghel ng Panginoon sa mga tanging panahon sa tangke at kinakalawkaw ang tubig: at ang unang manaog sa tangke, pagkatapos na makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa anomang sakit na dinaramdam. |
5. | At naroon ang isang lalake, na may tatlongpu't walong taon nang maysakit. |
6. | Nang makita ni Jesus na siya'y nakahandusay, at mapagkilalang siya'y malaon nang panahong maysakit, ay sinabi niya sa kaniya, Ibig mo bagang gumaling? |
7. | Sumagot sa kaniya ang lalaking maysakit, Ginoo, wala ng taong maglusong sa akin sa tangke, pagkalawkaw sa tubig: datapuwa't samantalang ako'y naparoroon, ay nakalusong na muna ang iba bago ako. |
8. | Sinabi sa kaniya ni Jesus, Magtindig ka, buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. |
9. | At pagdaka'y gumaling ang lalake, at binuhat ang kaniyang higaan at lumakad. Noon nga'y araw ng sabbath. |
10. | Kaya sinabi ng mga Judio sa kaniya na pinagaling, Ito'y araw ng sabbath, at hindi matuwid na buhatin mo ang iyong higaan. |
11. | Nguni't sila'y sinagot niya, Ang nagpagaling sa akin, ang siya ring sa akin ay nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka. |
12. | Tinanong nila siya, Sino ang taong sa iyo'y nagsabi, Buhatin mo ang iyong higaan, at lumakad ka? |
13. | Nguni't hindi nakikilala ng pinagaling kung sino siya; sapagka't si Jesus ay humiwalay, palibhasa'y may isang karamihan sa dakong yaon. |
14. | Pagkatapos ay nasumpungan siya ni Jesus sa templo, at sa kaniya'y sinabi, Narito, ikaw ay gumaling na: huwag ka nang magkasala, baka mangyari pa sa iyo ang lalong masama. |
15. | Umalis ang tao, at sinaysay sa mga Judio na si Jesus ang sa kaniya'y nagpagaling. |
16. | At dahil dito'y pinagusig ng mga Judio si Jesus, sapagka't ginagawa niya ang mga bagay na ito sa araw ng sabbath. |
17. | Datapuwa't sinagot sila ni Jesus, Hanggang ngayo'y gumagawa ang aking Ama, at ako'y gumagawa. |
18. | Dahil dito nga'y lalo nang pinagsikapan ng mga Judio na siya'y patayin, sapagka't hindi lamang sinira ang araw ng sabbath, kundi tinatawag din naman na kaniyang sariling Ama ang Dios, na siya'y nakikipantay sa Dios. |
19. | Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka't ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan. |
20. | Sapagka't sinisinta ng Ama ang Anak, at sa kaniya'y ipinakikita ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa: at lalong dakilang mga gawa kay sa mga ito ang sa kaniya'y ipakikita niya, upang kayo'y magsipanggilalas. |
21. | Sapagka't kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayon din naman binubuhay ng Anak ang kaniyang mga ibigin. |
22. | Sapagka't ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol; |
23. | Upang papurihan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpapapuri sa Ama. Ang hindi nagpapapuri sa Anak ay hindi nagpapapuri sa Ama na sa kaniya'y nagsugo. |
24. | Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang dumirinig ng aking salita, at sumasampalataya sa kaniya na nagsugo sa akin, ay may buhay na walang hanggan, at hindi mapapasok sa paghatol, kundi lumipat na sa kabuhayan mula sa kamatayan. |
25. | Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Dumarating ang panahon, at ngayon nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Dios; at ang mangakarinig ay mangabubuhay. |
26. | Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili: |
27. | At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao. |
28. | Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, |
29. | At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ang mga nagsigawa ng masama, ay sa pagkabuhay na maguli sa paghatol. |
30. | Hindi ako makagagawa ng anoman sa aking sarili: humahatol ako ayon sa aking naririnig: at ang paghatol ko'y matuwid; sapagka't hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin. |
31. | Kung ako'y nagpapatotoo sa aking sarili, ang patotoo ko ay hindi katotohanan. |
32. | Iba ang nagpapatotoo sa akin; at talastas ko na ang patotoong isinasaksi niya sa akin ay totoo. |
33. | Kayo'y nangagsugo kay Juan, at siya'y nagpatotoo sa katotohanan. |
34. | Datapuwa't ang patotoo ay hindi mula sa tao: gayon ma'y sinasabi ko ang mga bagay na ito, upang kayo'y mangaligtas. |
35. | Siya ang ilawang nagniningas at lumiliwanag; at inibig ninyong kayo'y mangagkatuwang sumandali sa kaniyang liwanag. |
36. | Datapuwa't ang aking pagpapatotoo ay lalong dakila kay sa kay Juan; sapagka't ang mga gawang ibinigay sa akin ng aking Ama upang ganapin, ang gayon ding mga gawa na aking ginagawa, ay nagpapatotoo tungkol sa akin, na ako'y sinugo ng Ama. |
37. | At ang Ama na nagsugo sa akin, ay siyang nagpatotoo tungkol sa akin. Kailan ma'y hindi ninyo narinig ang kaniyang tinig, ni hindi man ninyo nakita ang kaniyang anyo. |
38. | At kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo: sapagka't hindi kayo nagsisisampalataya sa kaniyang sinugo. |
39. | Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka't iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito'y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin. |
40. | At ayaw kayong magsilapit sa akin, upang kayo'y magkaroon ng buhay. |
41. | Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatiang mula sa mga tao. |
42. | Datapuwa't nakikilala ko kayo, na kayo'y walang pagibig ng Dios sa inyong sarili. |
43. | Naparito ako sa pangalan ng aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin. |
44. | Paanong kayo'y makapananampalataya, kayong nangagtatanggapan sa isa't isa ng kaluwalhatian at hindi ninyo pinaghahanap ang kaluwalhatiang nanggagaling sa tanging Dios? |
45. | Huwag ninyong isiping ako ang sa inyo'y magsusumbong sa Ama: may isang magsusumbong sa inyo, sa makatuwid baga'y si Moises, yaong pinaglagakan ninyo ng inyong pagasa. |
46. | Sapagka't kung kayo'y nagsisisampalataya kay Moises, ay magsisisampalataya kayo sa akin; sapagka't tungkol sa akin siya'y sumulat. |
47. | Nguni't kung hindi kayo nagsisipaniwala sa kaniyang mga sulat, ay paanong magsisisampalataya kayo sa aking mga salita? |
← John (5/21) → |