← John (10/21) → |
1. | Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ang pumapasok sa hindi pintuan ng kulungan ng mga tupa kundi umaakyat sa ibang daan, ang gayon ay tulisan at magnanakaw. |
2. | Datapuwa't ang pumapasok sa pintuan ay siyang pastor ng mga tupa. |
3. | Binubuksan siya ng bantaypinto; at dinirinig ng mga tupa ang kaniyang tinig: at tinatawag ang kaniyang sariling mga tupa sa pangalan, at sila'y inihahatid sa labas. |
4. | Pagka nailabas na niya ang lahat ng sariling kaniya, ay pinangungunahan niya sila, at nagsisisunod sa kaniya ang mga tupa: sapagka't nakikilala nila ang kaniyang tinig. |
5. | At sa iba'y hindi sila magsisisunod, kundi magsisitakas sa kaniya: sapagka't hindi nila nakikilala ang tinig ng mga iba. |
6. | Sinalita ni Jesus sa kanila ang talinghagang ito: datapuwa't hindi nila napagunawa kung anong mga bagay ang sa kanila'y sinasalita. |
7. | Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa. |
8. | Ang lahat ng nangauna sa aking nagsiparito ay mga magnanakaw at mga tulisan: datapuwa't hindi sila dininig ng mga tupa. |
9. | Ako ang pintuan; ang sinomang taong pumasok sa akin, ay siya'y maliligtas, at papasok at lalabas, at makasusumpong ng pastulan. |
10. | Hindi pumaparito ang magnanakaw, kundi upang magnakaw, at pumatay, at pumuksa: ako'y naparito upang sila'y magkaroon ng buhay, at magkaroon ng kasaganaan nito. |
11. | Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa. |
12. | Ang nagpapaupa, at hindi ang pastor, na hindi may-ari ng mga tupa, ay nakikitang dumarating ang lobo, at pinababayaan ang mga tupa, at tumatakas, at inaagaw sila ng lobo, at pinapangangalat: |
13. | Siya'y tumatakas sapagka't siya'y upahan, at hindi ipinagmamalasakit ang mga tupa. |
14. | Ako ang mabuting pastor; at nakikilala ko ang sariling akin, at ang sariling akin ay nakikilala ako, |
15. | Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga tupa. |
16. | At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila'y kailangan din namang dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila'y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor. |
17. | Dahil dito'y sinisinta ako ng Ama, sapagka't ibinibigay ko ang aking buhay, upang kunin kong muli. |
18. | Sinoma'y hindi nagaalis sa akin nito, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong magbigay nito, at may kapangyarihan akong kumuhang muli. Tinanggap ko ang utos na ito sa aking Ama. |
19. | At muling nagkaroon ng isang pagbabahabahagi sa gitna ng mga Judio dahil sa mga salitang ito. |
20. | At sinasabi ng marami sa kanila, Mayroon siyang demonio, at siya'y nauulol; bakit ninyo siya pinakikinggan? |
21. | Sinasabi ng mga iba, Hindi sa inaalihan ng demonio ang mga sabing ito. Maaari bagang ang demonio ay makapagpadilat ng mga mata ng bulag? |
22. | At niyao'y kapistahan ng pagtatalaga sa Jerusalem: |
23. | Noo'y tagginaw; at naglalakad si Jesus sa templo sa portiko ni Salomon. |
24. | Nilibot nga siya ng mga Judio, at sa kaniya'y sinabi, Hanggang kailan mo pa baga pagaalinlanganin kami? Kung ikaw ang Cristo, ay sabihin mong maliwanag sa amin. |
25. | Sinagot sila ni Jesus, Sinabi ko sa inyo, at hindi kayo nagsisampalataya: ang mga gawang ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama, ay siyang nangagpapatotoo sa akin. |
26. | Datapuwa't hindi kayo nagsisampalataya, sapagka't hindi kayo sa aking mga tupa. |
27. | Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila'y aking nakikilala, at sila'y nagsisisunod sa akin: |
28. | At sila'y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma'y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay. |
29. | Ang aking Ama, na sa kanila ay nagbigay sa akin, ay lalong dakila kay sa lahat; at hindi sila maaagaw ninoman sa kamay ng Ama. |
30. | Ako at ang Ama ay iisa. |
31. | Nagsidampot uli ng mga bato ang mga Judio upang siya'y batuhin. |
32. | Sinagot sila ni Jesus, Maraming mabubuting gawa na mula sa Ama ang ipinakita ko sa inyo; alin sa mga gawang yaon ang ibinabato ninyo sa akin? |
33. | Sinagot siya ng mga Judio, Hindi dahil sa mabuting gawa ay binabato ka namin, kundi sa pamumusong; at sapagka't ikaw, bagaman ikaw ay tao, ay nagpapakunwari kang Dios. |
34. | Sinagot sila ni Jesus, Hindi baga nasusulat sa inyong kautusan, Aking sinabi, Kayo'y mga dios? |
35. | Kung tinawag niyang mga dios, yaong mga dinatnan ng salita ng Dios (at hindi mangyayaring sirain ang kasulatan), |
36. | Sinasabi baga ninyo tungkol sa kaniya, na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka't sinasabi ko, Ako ang anak ng Dios? |
37. | Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan. |
38. | Datapuwa't kung ginagawa ko, ang mga yaon kahit hindi kayo magsisampalataya sa akin, ay magsisampalataya kayo sa mga gawa; upang maalaman ninyo at mapagunawa na ang Ama ay nasa akin, at ako'y nasa Ama. |
39. | Muling pinagsikapan nilang siya'y hulihin: at siya'y tumakas sa kanilang mga kamay. |
40. | At siya'y muling naparoon sa dako pa roon ng Jordan sa dako nang una'y pinagbautismuhan ni Juan; at siya'y tumira doon. |
41. | At marami ang mga nagsiparoon sa kaniya; at kanilang sinabi, Katotohanang si Juan ay hindi gumawa ng tanda: nguni't lahat ng mga bagay na sinalita ni Juan tungkol sa taong ito ay totoo. |
42. | At marami ang mga nagsisampalataya sa kaniya roon. |
← John (10/21) → |