← Job (4/42) → |
1. | Nang magkagayo'y sumagot si Eliphaz na Temanita, at nagsabi, |
2. | Kung tikman ng isa na makipagusap sa iyo, ikababalisa mo ba? Nguni't sinong makapipigil ng pagsasalita? |
3. | Narito, ikaw ay nagturo sa marami, at iyong pinalakas ang mahinang mga kamay. |
4. | Ang iyong mga salita ay nagsialalay sa nangabubuwal, at iyong pinalakas ang mahinang mga tuhod. |
5. | Nguni't ngayo'y dinaratnan ka ng kasamaan, at ikaw ay nanglulupaypay; ginagalaw ka, at ikaw ay nababagabag. |
6. | Hindi ba ang iyong takot sa Dios ay ang iyong tiwala, at ang iyong pagasa ay ang pagtatapat ng iyong mga lakad? |
7. | Iyong alalahanin, isinasamo ko sa iyo, kung sino ang namatay, na walang malay? O saan nangahiwalay ang mga matuwid? |
8. | Ayon sa aking pagkakita yaong nagsisipagararo ng kasamaan, at nangaghahasik ng kabagabagan ay gayon din ang inaani. |
9. | Sa hinga ng Dios sila'y nangamamatay, at sa bugso ng kaniyang galit sila'y nangalilipol. |
10. | Ang ungal ng leon, at ang tinig ng mabangis na leon, at ang mga ngipin ng mga batang leon, ay nangabali. |
11. | Ang matandang leon ay namamatay dahil sa kawalan ng huli, at ang mga batang leong babae ay nagsisipangalat. |
12. | Ngayo'y nadalang lihim sa akin ang isang bagay, at ang aking pakinig ay nakakaulinig ng bulong niyaon. |
13. | Sa mga pagiisip na mula sa mga pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na tulog ay nahuhulog sa mga tao, |
14. | Takot ay dumating sa akin, at panginginig, na nagpapanginig ng lahat ng aking mga buto. |
15. | Nang magkagayo'y dumaan ang isang espiritu sa aking mukha. Ang balahibo ng aking balat ay nanindig. |
16. | Tumayong nakatigil, nguni't hindi ko mawari ang anyo niyaon; isang anyo ang nasa harap ng aking mga mata: tahimik, at ako'y nakarinig ng tinig, na nagsasabi, |
17. | Magiging ganap pa ba ang taong may kamatayan kay sa Dios? Lilinis pa ba kaya ang tao kay sa Maylalang sa kaniya? |
18. | Narito, siya'y hindi naglalagak ng tiwala sa kaniyang mga lingkod; at inaari niyang mga mangmang ang kaniyang mga anghel: |
19. | Gaano pa kaya sila na nagsisitahan sa mga bahay na putik, na ang patibayan ay nasa alabok, na napipisang gaya ng paroparo! |
20. | Sa pagitan ng umaga at hapon, ay nangagigiba; nangapaparam magpakailan man na walang pumupuna. |
21. | Hindi ba nalalagot ang tali ng kanilang tolda sa loob nila? Sila'y nangamamatay at walang karunungan. |
← Job (4/42) → |