← Job (38/42) → |
1. | Nang magkagayo'y sumagot ang Panginoon kay Job mula sa ipoipo, at nagsabi, |
2. | Sino ito na nagpapadilim ng payo sa pamamagitan ng mga salita na walang kaalaman? |
3. | Bigkisan mo ngayon ang iyong mga balakang na parang lalake: sapagka't tatanungin kita at magpapahayag ka sa akin. |
4. | Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? Ipahayag mo, kung mayroon kang unawa. |
5. | Sinong naglagay ng mga sukat niyaon, kung iyong nalalaman? O sinong nagunat ng panukat diyan? |
6. | Sa ano nalagay ang kaniyang mga patibayan? O sinong naglagay ng batong panulok niyaon; |
7. | Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan? |
8. | O sinong nagsara ng mga pinto sa dagat, nang magpumiglas na gaya ng pagpiglas mula sa bahay-bata? |
9. | Nang gawin ko ang alapaap na bihisan niyaon, at ang salimuot na kadiliman na pinakabalot niyaon, |
10. | At aking itinatag doon ang aking pasiya, at nilagyan ko ng mga halang at mga pinto, |
11. | At aking sinabi, Hanggang dito ay darating ka, nguni't hindi ka na lalagpas: at dito'y titigil ang iyong mga palalong alon? |
12. | Nagutos ka ba sa umaga mula sa iyong mga kaarawan, at ipinabatid mo ba sa bukang liwayway ang kaniyang dako; |
13. | Upang humawak sa mga wakas ng lupa, at ang masasama ay maugoy doon? |
14. | Nababagong parang putik sa ilalim ng tatak; at lahat ng mga bagay ay nagiging gaya ng bihisan: |
15. | At sa masama ay inalis ang kanilang liwanag, at ang mataas na kamay ay mababali. |
16. | Pumasok ka ba sa mga bukal ng dagat? O lumakad ka ba sa mga landas ng kalaliman? |
17. | Nangahayag ba sa iyo ang mga pintuan ng kamatayan? O nakita mo ba ang mga pinto ng anino ng kamatayan? |
18. | Iyo bang nabatid ang kaluwangan ng lupa? Ipahayag mo, kung iyong nalalamang lahat. |
19. | Saan nandoon ang daan na patungo sa tahanan ng liwanag, at tungkol sa kadiliman, saan nandoon ang dako niyaon; |
20. | Upang iyong madala sa hangganan niyaon, at upang iyong gunitain ang mga landas hanggang sa bahay niyaon? |
21. | Marahil nalalaman mo, sapagka't ikaw nga'y ipinanganak noon, at ang bilang ng iyong mga kaarawan ay marami? |
22. | Pumasok ka ba sa mga tipunan ng nieve, o nakita mo ba ang mga tipunan ng granizo, |
23. | Na aking itinaan laban sa panahon ng kabagabagan, laban sa kaarawan ng pagbabaka at pagdidigma? |
24. | Sa aling daan naghiwalay ang liwanag, o sa hanging silanganan na lumalaganap sa ibabaw ng lupa? |
25. | Sinong humukay ng bangbang sa mga bugso ng tubig, o ng daanan ng kidlat ng kulog; |
26. | Upang magpaulan sa lupa, na hindi tinatahanan ng tao, sa ilang na doon ay walang tao. |
27. | Upang busugin ang giba at sirang lupa; at upang pasibulin ang sariwang damo? |
28. | May ama ba ang ulan? O sinong nanganak sa mga patak ng hamog? |
29. | Sa kaninong bahay-bata nagmula ang hielo? At ang escarcha sa himpapawid, ay ipinanganak nino? |
30. | Ang mga tubig ay nakukubling gaya ng bato, at ang ibabaw ng kalaliman ay namumuno. |
31. | Matatalian mo ba ang pagkakaumpukan ng mga bituin na Pleyade, o makakalagan ang tali ng mga bituin na Orion? |
32. | Mailalabas mo ba ang mga bituin na mga tanda ng Zodiaco sa kanilang kapanahunan? O mapapatnubayan mo ba ang Oso na kasama ng kaniyang mga anak? |
33. | Nalalaman mo ba ang mga alituntunin ng langit? Maitatatag mo ba ang kapangyarihan niyaon sa lupa? |
34. | Mailalakas mo ba ang iyong tinig hanggang sa mga alapaap, upang takpan ka ng saganang tubig? |
35. | Makapagsusugo ka ba ng mga kidlat, upang magsiyaon, at magsabi sa iyo: Nangarito kami? |
36. | Sinong naglagay ng karunungan sa mga pinakaloob na bahagi? O sinong nagbigay ng kaalaman sa pagiisip? |
37. | Sinong makabibilang ng mga alapaap sa pamamagitan ng karunungan? O sinong makatutuyo ng mga botelya ng langit, |
38. | Pagka ang alabok ay napuputik, at ang mga bugal ay nanganinikit na maigi? |
39. | Huhuli ka ba ng mahuhuli na ukol sa leong babae? O bubusugin mo baga ang kagutoman ng mga batang leon, |
40. | Pagka sila'y nagsisihilig sa kanilang mga lungga, at nagsisitahan sa guwang upang bumakay? |
41. | Sinong naghahanda sa uwak ng pagkain niya, pagka ang kaniyang mga inakay ay nagsisidaing sa Dios, at nagsisigala sa kakulangan ng pagkain. |
← Job (38/42) → |