← Job (35/42) → |
1. | Bukod dito'y sumagot si Eliu, at nagsabi, |
2. | Iniisip mo bang ito'y matuwid? O sinasabi mong: Ang aking katuwiran ay higit kay sa Dios, |
3. | Na iyong sinasabi, Anong pakinabang ang tatamuhin mo? At, anong pakinabang ang tataglayin kong higit kung ako'y nagkasala? |
4. | Sasagutin kita, at ang iyong mga kasamahang kasama mo. |
5. | Tumingala ka sa mga langit at iyong tingnan; at masdan mo ang mga alapaap na lalong mataas kay sa iyo. |
6. | Kung ikaw ay nagkasala, anong iyong ginagawa laban sa kaniya? At kung ang iyong mga pagsalangsang ay dumami, anong iyong ginagawa sa kaniya? |
7. | Kung ikaw ay matuwid anong ibinibigay mo sa kaniya? O anong tinatanggap niya sa iyong kamay? |
8. | Ang iyong kasamaan ay makapagpapahamak sa isang lalaking gaya mo; at ang iyong katuwiran ay makapagpapakinabang sa anak ng tao. |
9. | Dahil sa karamihan ng mga kapighatian, sila'y humihiyaw: sila'y humihingi ng tulong dahil sa kamay ng makapangyarihan. |
10. | Nguni't walang nagsasabing, Saan nandoon ang Dios na Maylalang sa akin, na siyang nagbibigay ng awit kung gabi; |
11. | Na siyang nagtuturo sa atin ng higit kay sa mga hayop sa lupa. At ginagawa tayong lalong pantas kay sa mga ibon sa himpapawid? |
12. | Doo'y tumatawag sila, nguni't walang sumasagot, dahil sa kapalaluan ng mga masamang tao. |
13. | Tunay na hindi didinggin ng Dios ang walang kabuluhan, ni pakukundanganan man ito ng Makapangyarihan sa lahat. |
14. | Gaano pa kaliit kung iyong sinasabing hindi mo nakikita siya. Ang usap ay nasa harap niya, at iyong hinihintay siya! |
15. | Nguni't ngayon sapagka't hindi niya dinalaw sa kaniyang galit, ni ginunita mang maigi; |
16. | Kaya't ibinubuka ni Job ang kaniyang bibig sa walang kabuluhan; siya'y nagpaparami ng mga salita na walang kaalaman. |
← Job (35/42) → |